ALBAY – ILANG ULIT na niratrat at saka hinagisan ng granada ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang police station sa Legazpi City noong Linggo ng gabi.
Target ngayon ng militar at pulis ang mga tumakas na rebeldeng responsable sa pangha-harass sa estasyon ng pulis kung saan nadamay ang kalapit na simbahan at isang bahay.
Nagtamo ng maraming butas ang bubungan ng Police Community Precinct 4 sa Barangay Taysan dahil sa sambulat na rifle grenade mula sa M-203 grenade launcher.
May ilang bintana rin na nabasag.
Natamaan din ng bala ang mga katabing bahay at simbahan.
Ayon kay Lt. Col. Aldwin Gamboa, hepe ng Legazpi Police, tumagal ng ilang minuto ang ginawang pamamaril sa police station na malapit sa mga kabahayan.
Nabatid na ilang beses nang hinarass ng mga hinihinalang NPA ang nasabing estasyon. VERLIN RUIZ