POLICE VISIBILITY SA CL PINAIGTING

PAMPANGA – INATASAN ni Police Region Office 3 (PRO3) Director Brig. Gen Redrico A. Maranan ang mga provincial director na paigtingin ang police visibility at accessibility sa kanilang nasasakupan.

Kasabay ng direktiba, ang maglagay ng solar-powered blinker lights sa mga signage sa lahat ng police stations at outposts sa buong rehiyon.

Binigyang-diin ni Maranan ang kahalagahan ng inisyatibong ito upang palakasin ang presensya ng pulisya at matiyak na ang mga komunidad ay madaling tumungo sa mga himpilan ng pulisya, lalo na tuwing gabi at sa oras ng emergency.

“Ang pagkakabit ng solar blinker lights ay isang praktikal na hakbang upang mapahusay ang ating serbisyo publiko. Hindi lamang nito pinapaigting ang police visibility kundi pinagtitibay rin ang kahandaan at accessibility ng ating mga police stations at outposts,” ani Maranan.

Ang mga solar blinker lights na pinapagana ng renewable energy ay kaakibat ng pangako ng PNP sa paggamit ng mga solusyong makakalikasan habang pinapalaganap ang kaligtasan ng publiko.

Ang mga ilaw na ito ay magsisilbing malinaw na palatandaan para sa publiko, lalo na sa mga liblib na lugar kung saan kulang ang karaniwang ilaw.

Inatasan na ang lahat ng yunit sa rehiyon na bigyang-prayoridad ang implementasyon ng direktibang ito at tiyaking ang mga solar-powered lights ay maikakabit at mapapagana sa mga nasabing lugar sa lalong madaling panahon.

Hinikayat din ni Maranan ang mga komunidad na suportahan ang inisyatibong ito sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga lugar na nangangailangan pa ng mas mahusay na visibi­lity ng pulisya.

Ang hakbang na ito ay sumasalamin sa mantra ng PRO3 na “Makabagong Pulis sa Makabagong Panahon,” na nagtatampok ng mga makabago at responsableng hakbangin upang matugunan ang pa­ngangailangan ng makabagong serbisyo pulisya.

EUNICE CELARIO