UMAPELA kahapon si House Appropriations Committee Chairman Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles kay PCSO General Manager Alexander Balutan laban sa pagbawi sa mga ambulansiyang naipamahagi sa mga lokal na pamahalaan sa gitna ng kabiguan ng mga alkalde’t gobernador na tumupad sa napagkasunduang pagmantine at maayos na paggamit ng nasabing mga sasakyan “dahil tiyak na mahihirapan ang mga nasa kanayunan kung mapagkakaitan ng agarang tulong medikal.”
Iminungkahi ng mambabatas mula Davao na kasuhan ng graft ang mga opisyal na umaabuso sa paggamit ng mga ito.
Ibinunyag ni Balutan sa kasagsagan ng budget hearing ng Kongreso na patong-patong ang natatanggap nilang reklamo hinggil sa maling paggamit ng mga ambulansiyang ipinamahagi nila sa mga lalawigan kagaya ng paghingi ng kabayaran para makagamit nito at paggamit sa personal na kapakinabangan. Marami rin umanong ambulansiya ang dinikitan ng kung ano-anong marka at mukha ng mga lokal na politiko.
“Sinusulatan po namin ‘yung mga mayor na kapag may magreklamo at mag-accumulate ito, we can pull out. Inilalagay po namin sa MOA, sa aming kontrata ang ganu’ng sitwasyon,” ani Balutan.
Ayon naman kay Nograles, makokompromiso ng pagbawi sa mga sasakyang ito ang mahahalagang serbisyong medikal na lubos na kinakailangan sa mga lalawigan.
Imbes na bawiin ang mga sasakyan, dapat umano’y habulin na lamang ang mga lokal na opisyal na may paglabag sa kanilang memorandum of agreement sa PCSO.
“Sampahan ng karampatang habla ang mga abusado,” giit ni Nograles.
Ayon sa chairman ng House Appro Committee, ang planong pagbawi ng PCSO sa mga ambulansiya ay para umanong pagpiit sa libo-libong mga inosente samantalang nakakawala ang mga taong may sala.
“Kawawa po ang mga kababayan nating probinsiyano na umaasa sa mga ambulansiyang ito kapag may kaanak silang dapat itakbo sa ospital. Hindi puwedeng mawala ang mga ambulansiya,” sabi pa ng mambabatas.
Bago ipamahagi ng PCSO ang mga ambulansiya sa mga lokal na pamahalaan kaakibat ng MOA, kinakailangang maipakita ng mga ito na may kakayahan silang maglaan ng tsuper, gasolina at gastos sa pagmamantine ng mga ambulansiya.
Ang PCSO ay ang pangunahing ahensiya ng gobyerno na naatasang mangalap ng pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong sa pagpapagamot at iba pang mga kawanggawa sa buong bansa.
Ang mga pondo ay kinakalap mula sa mga sugal na pinapangasiwaan ng gobyerno kagaya ng Sweepstakes, Lotto, at Small Town Lottery (STL).
Comments are closed.