PARA sa kaligtasan ng mga player, gayundin ng kanilang mamahaling mga kabayo, ang kumpetisyon sa 0-2 goals division ng polo sa 30th SEA Games sa Miguel Romero Polo Field sa Calatagan, Batangas ay ipinagpaliban sa ikalawang sunod na araw.
Dahil sa malakas na buhos ng ulan dulot ng bagyong Tisoy noong Martes, kailangang tiyakin ng mga organizer na naibalik ang playing field sa pinakamagandang kondisyon nito upang magarantiyahan ang kaligtasan ng lahat at makapagbigay ng ‘perfect venue’ sa inaasahang ‘battle royale’ ng mga ginoo na sasakay sa kanilang mga eleganteng kabayo.
Nakatakdang makasagupa ng Filipinas na binubuo nina Jose Antonio Veloso, Noel Vecinal, Benjamin Eusebio, Julian Garcia, Franchesca Nicole Eusebio, Stefano Juban at Rep. Mikee Romero ang Malaysia sa maagang showdown ng mga paborito.
“Nakapanghihinayang since everybody is ready and excited to play na sana but we have to follow the recommendation of the officials. This is for our satefy,” wika ni Romero.
Ipinagpaliban din ang laro sa pagitan ng Indonesia at ng Singapore.
Kung makikipagtulungan ang lagay ng panahon, ang Indonesia-Brunei match ay lalaruin sa alas-12:30 ng tanghali bago ang salpukan ng Nationals at Malaysians sa alas-3 ng hapon.
Ang susunod na mga laro ay gaganapin sa Biyernes at Linggo.
Ang labanan para sa bragging rights para sa premier polo nation ay nakatakda sa Lunes.
Kinuha ng Malaysia ang unang dalawang ginto na nakataya sa oldest recorded team sport noong Linggo nang madominahan ang 4-6 goals division. CLYDE MARIANO
Comments are closed.