PONDO PARA SA COVID-19 TESTING KAILANGANG AYUSIN AT PAG-IBAYUHIN

JOE_S_TAKE

NANANATILI ang Filipinas sa listahan ng 20 bansang may pinakamataas na kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo. Sa kasalukuyan, nasa higit 370,000 na ang naitalang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, higit sa 35,000 dito ay mga aktibong kaso.

Napakalaking bagay ng pagpapaigting ng testing para sa nasabing virus dahil mas madaling natutukoy kung sino ang mga nahawahan na ng COVID-19. Sa oras na matukoy ang mga ito, mas madali na makontrol ang pagkalat. Ngunit tila nagkakaroon ng problema sa pondo para sa testing na siyang naging dahilan upang maantala ang libreng testing na isinasagawa ng Philippine Red Cross simula noong ika-15 ng Oktubre.

Ang Philippine Red Cross (PRC) ay may Memorandum of Agreeent (MOA) sa Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth). Sa ilalim ng kasunduang ito ay kinikilala ang PRC bilang awtorisadong institusyon upang magsagawa ng testing para sa overseas Filipino workers (OFW), mga pasahero sa mga paliparan at sa mga pantalan, mga testing na isinasagawa sa mga pasilidad ng pamahalaan, mga healthworker, at mga kawani ng pamahalaan. Ang bawat test ay nagkakahalaga ng Php3,500 at ito ay sinisingil ng PRC sa Philhealth.

Ang testing na isinasagawa ng PRC ay pansamantalang inihinto bunsod ng lumobong utang ng Philhealth sa nasabing institusyon. Iginiit ng PRC na kailangang bayaran muna ng Philhealth ang kanilang utang na umabot na sa halagang Php931 milyon bago muling ipagpatuloy ang testing. Nakasaad sa MOA sa pagitan ng dalawang insitusyon na magbibigay ang Philhealth ng pondo na nagkakahalagang Php100 milyon na maaaring paikutin ng PRC habang isinasagawa nito ang testing. Subalit ayon sa PRC, hindi raw ito nasunod. Hindi raw nakapagbigay ng pondo ang Philhealth kaya napilitan ang PRC na pansamantalang paluwalan ang gastos upang maipagpatuloy ang testing.

Ayon naman sa paliwanag ng Philhealth, mayroon silang sapat na pondong maaaring ipambayad sa nasabing utang sa PRC ngunit may mga inaayos pa ito diumanong mga legal na isyu ukol sa MOA. Kung ating babalikan, bunsod ng umugong na korupsiyon sa loob ng Philhealth, nagkaroon ng pagpapalit ng pamunuan sa nasabing institusyon. Tila nagiging mas maingat na ang Philhealth sa pamumuno ni Philhealth President & CEO Dante Gierran matapos ang kanilang kinasangkutang kontrobersiya.

Ang problema sa pagitan ng dalawang institusyon ay nagkaroon ng epekto sa sistema ng COVID-19 testing sa bansa. Sa isang panayam kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez, sinabi nito na mararamdaman ang epekto nito sa bilis ng pagproseso ng testing. Dadami ang mga test na kakailanganing isagawa ng ibang laboratoryo habang hindi nagsasagawa ng anumang testing ang PRC.

Ayon kay NTF Deputy Chief Implementer Vince Dizon, nasa 25-30% ng kapasidad sa testing ng bansa ay mula sa mga laboratoryo ng PRC. Ito ay nasa 10,000 hanggang 15,000 na test kada araw kasama ang mga OFW.

Bunsod ng paghinto ng PRC sa testing, maraming mga OFW ang naiipon sa mga quarantine facility dahil tinatayang umaabot sa libo ang bilang ng mga OFW na umuuwi sa bansa kada araw. Gaya ng inaasahan, mga mamamayan ang tinatamaan ng epekto ng mga nangyayari sa pagitan ng dalawang institusyon. Napakahalagang mayroong pondo na patuloy na umiikot upang magamit para sa testing upang mas mabilis makontrol ang pagkalat ng virus sa bansa.

Makatitiyak naman ang lahat na tinututukan ng pamahalaan ang isyung ito at hindi magtatagal ay mareresolba ito at muling babalik sa normal ang kapasidad ng bansa patungkol sa COVID-19 testing. Kailangan lamang ay mahanapan ito ng solusyon sa lalong madaling panahon.

Kailangang mas mapaigting ang sistema sa pamamahala sa nasabing virus dahil dito nakasalalay ang kalusugan at kaligtasan ng lahat.

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga pondo lalo na para sa institusyong gaya ng PRC na isang non-profit organization. Isang mahalagang bagay ang masigurong may pondo ito at ang iba pang laboratoryo sa bansa upang patuloy nitong magampanan ang kanilang tungkulin.

Hanggang sa ngayon ay wala pa ring katiyakan kung kailan magkakaroon ng bakuna laban sa COVID-19. Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso sa bansa, napakahalaga na mapanatiling epektibo ang sistemang ipinaiiral ng bawat institusyon upang tuluyan nating mapagtagumpayan ang pandemyang ito, may bakuna man o wala. Kung kinaya ng ibang bansa, ako ay naniniwala na kaya rin ng mga Filipino.

Basta’t patuloy na magtulungan ang pamahalaan, pribadong sektor, at mga mamamayan, tiyak na pasasaan pa’t malalampasan ng Filipinas ang krisis na ito. Ako ay naniniwala na hindi magtatagal ay muling makababangon ang ating ekonomiya at sa muling pagkakataon ay kikilalanin ang Filipinas bilang isa sa mga bansang may mataas na antas na paglago ng ekonomiya sa Asya gaya noong nakaraang taong 2019.

Comments are closed.