ISUSULONG ni House Assistant Majority Floor Leader at ACT-CIS party-list Rep. Niña Taduran na madagdagan ang pondo ng Commission on Higher Education (CHED) para sa programa nitong pagkakaloob ng zero interest loan sa mga estudyante sa kolehiyo.
Ayon kay Taduran, napapanahong mapalakas ang naturang programa ng CHED upang mas maraming estudyante ang matulungang makapagtapos ng kanilang college degree ngayong batid na maraming pamilya ang apektado ang kita bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Hindi dapat mahinto ang pag-aaral ng isang estudyante dahil napilayan ang kanyang pamilya financially bunga ng COVID-19 pandemic. Let us help them overcome their financial challenge,” pagbibigay-diin pa ni Taduran.
Sinabi ng ACT-CIS partylist congresswoman na kapuri-puri ang programang ito ng komisyon kung kaya marapat lamang na mabigyan ng ibayong atensiyon ng Kamara, kabilang na ang pagdaragdag sa pondo para rito sa susunod na taon at sa mga darating pang panahon.
Iminungkahi naman ni Taduran na matutukan ng CHED ang hanay ng science and agriculture tertiary educations na napatunatuyan ang pangangailangan na magkaroon ng maraming may kaalaman at kasanayan dito ngayong may nararanasang national health emergency ang bansa.
“We need new scientists, health professionals and agriculturists as we’ve seen their importance especially at this crisis. They should finish their studies without having to worry about their school expenses,” pagbibigay-diin niya.
Sa isang panayam, sinabi ni CHED Chairnan Prospero De Vera III na sa ngayon ay nasa P1 bilyon ang kanilang pondo para sa ‘zero interest student loan’ subalit hindi pa rin ito sapat dahil marami ang nag-a-apply kung kaya umaasa siyang sa susunod na taon ay dadagdagan ito ng Kongreso.
Nauna namang inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na balak nila, bilang tulong sa mga pribadong paaralan na apektado rin ng COVID-19 pandemic, na maglaan ng P1 bilyon bilang dagdag-pondo sa ‘Study now, pay later’ program ng mga ito sa kani-kanilang mga estudyante. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.