INIUTOS ni Agriculture Secretary Emmanuel F. Piñol ang suspensiyon ng pork at pork products importation mula Japan sa pangambang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa naturang bansa.
Ayon kay Piñol, ang importation ban ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang pagpasok ng ASF virus, na may potensiyal na burahin ang domestic hog industry sa bansa.
“A written formal directive will be issued shortly on the imposition of the temporary ban against the entry of pork and pork products from Japan, which will be in effect while our Quarantine Officials are validating the reports with the OIE or the World Animal Health Organisation,” wika ni Pinol sa isang post sa kanyang official Facebook page.
Sinabi ni Piñol na inalerto na niya ang Bureau of Animal Industry (BAI) hinggil sa pagpapatupad ng import ban sa pamamagitan ni Agriculture Undersecretary for Policy and Planning Segfredo Serrano.
Dagdag pa niya, kailangang ipatupad ng lahat ng quarantine officers na nakatalaga sa lahat ng ports of entry sa buong bansa ang direktiba sa lalong madaling panahon.
“The Quarantine Officers are also advised to review their Quarantine Protocols, including the foot baths installed at the Ports of Entry and the monitoring of all meat products being brought into the country by tourists,” aniya.
Sa ulat ng Japan News, may pitong kumpirmadong kaso ng ASF virus, na natagpuan sa processed meat products sa domestic airports, sa Japan magmula noong nakaraang taon.
Ang pagkalat ng ASF sa China at kamakailan ay sa Mongolia ay nag-udyok sa Japanese government na palakasin ang kanilang quarantine measures.
Sa katunayan, ang ASF virus ay hindi pa tumatama sa domestic hog population sa Japan, subalit kasalukuyan nitong tinutugunan ang outbreak ng classical swine fever (CSF) na mabilis na kumalat noong mga nakalipas na linggo.
Sa datos ng BAI, sa kasalukuyan ay walang importasyon ang Filipinas ng anumang pork product mula sa Japan. Ang Japan ay nag-eexport lamang umano ng beef products sa Filipinas. JASPER EMMANUEL Y. ARCALAS