(Posible sa privatization) NAIA TERMINAL FEE HIKE

MAAARING tumaas ang terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng pagsasapribado sa operasyon nito, ayon sa Department of Transportation ( DOTr).

Posible ring tumaas ang aeronautical fees at rental fees, na maaaring magresulta sa pagtaas sa pasahe sa eroplano.

Sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo, inamin ni Transportation Secretary Jaime Bautista na maaaring magtaas ng terminal fee ang San Miguel-led consortium na nanalo sa bid para mag-operate sa NAIA, ngunit kailangan muna nitong ayusin at pagandahin ang  airport.

“Posible, but not necessarily kasi kung magiging efficient ‘yung operations nila eh baka hindi naman sila masyadong magtaas ng terminal fee,” sabi ni Bautista.

Idinagdag pa niya na ang terminal fee sa NAIA ay kabilang sa pinakamababa sa Asia sa P550 para sa international flights at P350 para sa domestic flights. Ikinumpara rin niya ito sa Mactan-Cebu International Airport at Clark International Airport, na kapwa pinatatakbo ng pribadong sektor.

“Ang Cebu mas mataas pa kaysa Maynila, P750 pero makita mo naman maayos ‘yung operations nila. Ang Clark almost P750 na rin, pero dahil magaganda ‘yung mga facilities na ginawa. These are now operated by the private sector,” ani Bautista.

Nauna na ring sinabi ni Manila International Airport Authority General Manager Eric Ines na inaasahan na nila ang pagtaas sa iba’t ibang bayarin sa  airport. Aniya, marami sa mga bayaring ito ay hindi tumaas sa nakalipas na dalawang dekada.