(Posible sa susunod na linggo) ROLBAK SA PRESYO NG PETROLYO

Petrolyo

POSIBLENG magkaroon ng bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa isang opisyal ng Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Rino Abad, director ng  Oil Industry Management Bureau ng DOE, sa Dobol B TV nitong Huwebes na bumaba ang presyo ng langis sa huling tatlong araw ng trading.

“Bumababa po ang price. I hope na matuloy ngayong araw hanggang bukas ang pagbaba o ma-maintain ang pagbaba para po masigurado natin na may rollback next week,” sabi ni Abad.

“Hindi muna ako magsasabi ng figure pero malaki ang indikasyon na talagang may rollback as far as three trading days are concerned,” dagdag pa niya.

Aniya, ang oil prices ay nananatiling pabago-bago kung saan nakaapekto ang nagpapatuloy na peace talks sa pagitan ng Russia at ng Ukraine sa oil trading ngayong linggo.

Sa report ng Reuters, ang Russia at Ukraine ay nagsasagawa ng peace negotiations sa isang Istanbul palace. Nangako rin ang Moscow na babawasan ang military operations sa paligid ng capital at north ng Ukraine.

Noong Martes, Marso 29, ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad ng P3.40 dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina,  P8.65 sa kada litro ng diesel, at P9.40 sa kada litro ng kerosene.

Ayon sa DOE, ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P18.30 kada litro, diesel ng P27.85 kada litro, at kerosene ng P25.75 kada litro.