POSITIBONG ATTITUDE ANG UNANG HAKBANG SA PAGYAMAN

rene resurrection

GUSTO mo bang umasenso sa buhay? Gusto mo bang magtagumpay? Gusto mo bang yu­maman sa malinis na paraan? Kung gayon, magpakahusay ka sa lahat ng iyong ginagawa.  Kung magtatrabaho ka, dapat ay buong puso.  Todo-bigay. Dapat kang magmahal sa trabaho.

May kasabihan, “Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin.”  Kung nagtatanim ka ng kahusayan, aani ka ng malaking tagumpay.  Kung nagtatanim ka ng katamaran o walang kuwentang uri ng trabaho, aani ka ng kabiguan.  Ang turo ng Diyos sa atin ay ito: “Ano man ang iyong ginagawa, gawin mo ng buong puso, alang-alang sa Panginoon at hindi para sa tao.  At tatanggap ka ng gantimpala mula sa Panginoon.  Si Cristo ang tunay mong amo.” (Colosas 3:23)

May tatlong motibo sa trabaho:  Una, pagtatrabaho para sa sariilng kapakanan.  Nakaeengganyong magtrabaho kung nakikita mong may pakinabang ka rito.  Ano ang pakinabang mo sa trabaho?  Suweldo at may pinagkakaabalahan kang mabuti sa buhay.   Sa pamamagitan ng trabaho, maaari kang makakilala ng maraming importanteng tao – katrabaho, amo, mga customer, atbp.  Subalit ang motibong ito ay may kababawan.  At ang makasariling motibo ay maaaring magbunga ng ilang problema.  May mga tao, dahil sa matin­ding makasariling motibo, ay natutuksong magnakaw o mandaya sa kompanya.  May iba na nagkakaroon ng inggit o pagseselos sa kapwa manggagawa na mas mahusay kaysa sa kanila.  Maaaring pagmulan ito ng away at sigalot.  Kung ikaw ang amo o may-ari ng isang kompanya, gusto mo bang ang empleyado mo ay suwapang o makasarili?  Siguradong hindi.  Malamang na ang empleyadong ito ang pagmumulan ng maraming gulo at pagkakawatak-watak ng mga manggagawa.

Ang pangalawang motibo sa trabaho ay ang kasiyahan ng iyong amo.  Nakaeengganyo rin ito sa trabaho dahil masarap iyong kinatutuwaan ka ng amo mo. Masarap ang mapuri ng amo. Nakatataba ng puso.  Maaari ring maging daan ito para sa promotion o mas malaking suweldo. Subalit may problema rin ang motibong ito.  Ang mga taong nagtatrabaho para lamang sa katuwaan ng amo niya ay may tendency na maging pakitang-tao. ‘Pag na­ririyan ang boss, ang sipag niyang magtrabaho.  Kung wala ang boss, nagiging pabandying-bandying na sa trabaho.  Ang sabi niya sa kapwa, “Pare!  Mag-relax muna tayo.  Wala naman si boss, e.  Tara!  Magtong-its muna tayo. Mag-computer games muna tayo.”  May kasabihan, “’Pag wala ang pusa, nagpipista ang mga daga.”  Dahil pakitang-tao lamang, hindi sila makatotohanan.  Nagsisinunga­ling sila. Nagpapanggap lamang,  kaya patay-sindi sa gawain.  Hindi tuloy-tuloy.  Nadadaya ang kompanya kapag nagpapabandying-bandying sila.

Ang pangatlong motibo sa trabaho ay ang katuwaan ng Panginoon.  May boss man o wala, patuloy ang kanilang kasipagan dahil hindi naman sila sa tao naglilingkod, kundi sa Diyos na ‘di nakikita.  Ang paniwala nila – ang trabaho ay isang uri ng pagsamba sa Diyos. Ang pagtatrabaho nang buong husay ay nakapupuri sa Diyos.  Natutuwa ang Diyos kapag masipag sa gawain ang sinuman.  Nalulungkot naman Siya kapag ang tao ay tamad o palpak sa kanyang gawain.  Naniniwala sila na si Cristo ay laging kasama nila at nakatunghay sa lahat ng kanilang ginagawa.  Si Cristo ang tunay na pinaglilingkuran nila. At nangako ang Diyos na gagantimpalaan niya ang mga masisipag, at parurusahan niya ang mga tamad.  Ito ang pinakamataas na uri ng motibo sa trabaho.  “Walang mas mataas na ­inspirasyon kaysa katuwaan ng Panginoon.”

‘Pag mag-aaplay ka ng trabaho, o kung may trabaho ka na, dapat ay kitang-kita sa iyo na ikaw ay talagang nagmamahal sa iyong trabaho.  Ang mungkahi ko – dapat ay maging makatotohanan ang pagmamahal sa iyong trabaho at hindi pakitang- tao lang.  Sapagkat kung ikaw ay nagkukunwari lang, tiyak na mabibisto ka balang araw at masisira ang iyong pangalan.

Dapat ay sa umpisang-umpisa pa lamang, nilinang mo na sa iyong sarili ang positibong attitude sa trabaho.  Isipin mong ang trabaho mo ay isang regalo ng Diyos sa iyo. Dapat mong pagbutihin, sapagkat kung hindi, parang iniinsulto mo ang Diyos na nagkaloob nito sa iyo.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso;  sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.