POSITIBONG PANANAW SA GITNA NG KRISIS AT PANDEMYA

JOE_S_TAKE

SA PAGSISIMULA pa lamang ng taong 2020 ay tila nagsunod-sunod na ang hindi magandang pangyayari hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Bukod sa pandemyang coronavirus, napakarami pang kalamidad ang naganap gaya ng pagputok ng Bulkang Taal, ang matinding pagbaha sa Indonesia na sumira sa kabisera nitong Jakarta, ang mga malakas na paglindol sa iba’t ibang bansa, kasama na ang Filipinas, at ang pagkasunog ng kagubatan sa Australia at sa US. Tila naging bahagi na ng ‘new normal’ ang ganitong uri ng hindi magandang balita.

Ang Meralco ay kaisa ng mamamayang Filipino at ng pamahalaan sa paglaban sa pandemyang COVID-19. Batid ng Meralco ang epekto ng pandemya sa mga customer nito kaya prayoridad nito ang matulungan ang mga customer na maibsan ang kanilang alalahanin ngayong panahon ng krisis. Sa kabila ng napakaraming masasamang balita mula noong simula ng taon ay isa ang Meralco sa patuloy na naghahatid ng magandang balita sa ating bansa.

Patuloy ang Meralco sa paggawa ng paraan upang mapababa ang presyo ng koryente sa pamamagitan ng paggamit ng probisyon ng Force Majeure sa mga kontrata nito. Bunsod nito, sa ika-anim na pagkakataon ay bumaba na naman ang presyo ng generation charge at ng kabuuang singil ngayong buwan ng Setyembre na nasa P8.43 na lamang kada kilowatthour (kWh). Ito ang pinakamababang presyo ng koryente mula Setyembre 2017. Kasama rin sa tulong ng Meralco ang pansamantalang pagsuspinde nito ng kanilang operasyon ng disconnection hanggang sa katapusan ng Oktubre para sa mga customer na hindi nakakabayad ng bill sa tamang panahon.

Bukod pa rito ay hindi maniningil ang Meralco ng Distribution, Supply, at Metering Charge sa mga customer nito na may konsumong 100 kWh at pababa para sa buwan ng Oktubre. Makaaasa rin ang mga konsyumer na patuloy ang pagbabasa ng metro sa mga lugar na nasasakupan ng Meralco sa kabila ng ipinatutupad na mga community quarantine. Sa madaling salita, ang Meralco ay patuloy sa pagbibigay ng mahusay na klase ng serbisyo sa mga customer nito.

Kamakailan ay isang meter reader ng Meralco na nagngangalang Joselito Ignacio ang naging laman ng isang viral na post sa social media dahil sa hindi inaasahang pangyayari na naganap habang siya’y nasa kalagitnaan ng kanyang trabaho. Dalawang bata ang nakapansin kay Joselito at sa bitbit nitong kamera habang nagbabasa ng mga metro sa Bago Bantay, Quezon City. Nang makita ng mga bata na kinukuhanan ni Joselito ng litrato ang mga metro na mataas ang pinaglalagyan, nakiusap sila rito kung maaaring pati sila ay kuhanan din nito ng litrato. Hindi naman tinanggihan ni Joselito ang munting hiling ng dalawang bata at kinuhanan niya ito ng litrato habang magkaakbay. Matapos kuhanan ng litrato ay ipinakita pa nito sa mga bata ang kanyang kuha na siyang ikinagalak ng dalawa. Nakita at nakuhanan ng isang netizen ang pangyayari at ipinost sa Facebook. Sa kasalukuyan ay nasa halos 12 libong reaksiyon at halos 10 libong shares na ang nakuha ng post ng nasabing netizen.

Umani ng papuri si Joselito sa pagpayag sa hiling ng mga bata na kapwa nasa edad na tatlong taon pa lamang. Hindi na rin kataka-takang mabilis na kumalat ang ganitong simpleng post dahil sa panahon ngayon na tila napaliligiran tayo ng masasamang balita, lalo nating nabibigyan ng pagpapahalaga ang ganitong uri ng mga kuwento.

Ang ganitong simpleng mga bagay ay sapat na upang tayo ay patuloy na maniwala na hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Ang viral na post na ito ay isang simbolo ng pagiging positibo sa gitna ng krisis at pandemya. Kung tutuusin ay maaari namang hindi pagbigyan ni Joselito ang mga bata dahil hindi parte ng kanyang trabaho ang hiniling ng mga ito ngunit dahil sa kanyang kagustuhang mapasaya ang mga bata ay napasaya rin niya ang libo-libong netizens na nakakita ng viral na post.

Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga meter reader sa pagsiguro na tama ang bill na natatanggap ng mga customer ng Meralco. Maaga pa lamang ay nagsisimula na silang maglakad at mag-reading sa lugar kung saan sila nakatalaga. Ang mga nakukuha nilang reading sa metro ng mga customer ay dapat maisumite rin sa mismong araw ng reading at maipasok sa system ng Meralco bago mag-ala-singko ng hapon upang umabot ito sa billing. Maingat at mabusisi sa kanilang trabaho ang mga meter reader ng Meralco. Magkahalong kawastuhan at bilis ang kanilang puhunan sa trabaho upang masiguro ang integridad ng kanilang mga datos na isinusumite. Anumang pagkakamali sa datos na kanilang maisumite ay may karampatang parusa.

Sa ating simpleng paraan, kung gagawin natin nsng mahusay ang ating responsibilidad bilang mamamayan at bilang empleyado, malaki na rin ang magagawang tulong nito sa nakararami.

Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Basta’t tayo’y patuloy na nagkakaisa, pasasaan pa’t mapagtatagumpayan din natin ang lahat ng pagsubok na kinahaharap nain sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga mapapait na karanasan, nawa ay kayanin natin na magpatuloy sa pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay.

Comments are closed.