POWER OF CHOICE, HATID NG ERC SA MAS MARAMING KONSYUMERS

INILABAS  kamakailan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga alituntunin ng Retail Aggregation na siyang makapagbibigay sa mas maraming konsyumer ng pagkakataong pumili ng sarili nitong supplier ng kuryente.

Ang Retail Aggregation ay magbibigay daan para ang mga konsyumer na nasa iisang lugar gaya ng unibersidad o mga subdibisyon, at condominium ay makapag-sanib pwersa at pagsamahin ang kanilang demand para maging kwalipikado bilang “contestable customer” sa ilalim ng Retail Competition and Open Access (RCOA).

Bilang isang “contestable customer”, maaari nang direktang makipag-negosasyon ang isang konsyumer sa supplier ng kuryente, at maaaring mag-resulta sa mas mababang singil.

“We have just promulgated the Rules for the Electric Retail Aggregation Program which is another means of empowering consumers to exercise their freedom of choice. The Rules on Retail Aggregation was released today as we celebrate the launch of the Pilot Implementation of Retail Aggregation,” pahayag ni ERC Chairperson at CEO Atty. Agnes VST Devanadera.

Ayon kay Devanadera, ang retail aggregation ay nagbibigay ng alternatibong paraan sa mga konsyumer upang mas mapangasiwaan ng mga ito ang kanilang bayarin sa kuryente, lalo’t may mga bagay gaya ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado na maaaring makaapekto sa presyo ng kuryente.

Ang mga konsyumer na inaasahang makikinabang sa mabuting epekto ng retail aggregation ay ang mga residensyal na customer sa mga village at mga condominium, pati na rin ang mga customer na nasa mga business district, mga special economic zone, at mga mixed-use development.

Bilang pagsisimula, pumirma ng Mermorandum of Understanding ang ERC, UP, at Meralco ukol sa pilot implementation ng retail aggregation.

Sa ilalim ng pilot implementation, pagsasama-samahin ang demand ng 149 na accounts sa loob ng UP Diliman na aabot sa 4.27 MW.

Ang mga metro ng Meralco sa UP Diliman ay magkakaroon ng kapabilidad na kumolekta ng mga datos ng indibidwal na reading ng konsumo mula sa iba’t ibang gusali sa loob ng campus at sumahin ang mga ito.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Meralco at UP, umaasa si Devanadera na ang ibang mga konsyumer ay maliliwanagan ukol sa benepisyo ng retail aggregation.

Malaki naman ang pasasalamat ni UP President Danilo Concepcion sa pagtutulungan ng UP at Meralco sa pagpapatupad ng pilot implementation ng Retail Aggregation alinsunod sa alituntuning inilabas ng ERC. Aniya tiyak na makatitipid ang unibersidad sa bayarin nito sa kuryente.

Nangako rin ang Meralco na ipagpapatuloy nito ang pakikiisa sa paghahanap ng paraan upang mas mapalawig ang karapatan ng mga konsyumer sa pagpili.

“We would like to recognize the ERC for its instrumental role in this partnership. Their guidance and oversight have shaped both this pilot implementation and retail aggregation for the rest of the country,” pahayag ni Meralco FVP at Head of Regulatory Management Atty. Jose Ronald Valles.