POWER OUTAGE SA NAIA-3 KINONDENA

HINDI katanggap-tanggap ang nangyaring pagkawala ng suplay ng koryente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 1, ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Hindi katanggap-tanggap na nangyari na naman ang ganitong insidente ilang buwan lamang makalipas na maparalisa ang ating buong air transport system pagpasok ng bagong taon,” ani Gatchalian.

“We should have learned our lessons from the New Year incident and appropriate redundancy measures should have been put into place to avoid a repeat of such incident,” dagdag pa niya.

Giit ni Gatchalian, dapat tinitiyak ng Manila International Airport Authority, Department of Transportation at airline companies ang karapatan ng mga pasahero, kabilang na ang karapatan sa kumpensasyon sa gitna ng kanseladong flights.

Dagdag pa niya, kailangan nilang palaging asikasuhin ang mga pangangailangan ng mga stranded na pasahero at tiyakin ang kanilang kaligtasan at kaginhawahan hanggang sa maibalik ang normal na operasyon ng paliparan.

“Anumang pagkagambala o pagkaantala ng ating mga sistemang pang-transportasyon ay nagdudulot ng masamang epekto sa ating ekonomiya. Dapat natin itong pagbuhusan ng pansin para hindi na pauilit-ulit ang mga insidenteng ganito,” ayon pa kay Gatchalian.

LIZA SORIANO