PRACTICAL TIPS SA MGA ESTUDYANTE

ESTUDYANTE-3

“MAG-ARAL ng mabuti,” iyan ang madalas o paulit-ulit na­ting naririnig sa ating mga magulang. Palagi rin tayong pinaaalalahanan na ang makatapos ng pag-aaral lamang ang kayamanang maiiwan nila kapag sumakabilang buhay sila. Ito lamang din ang ka­yamanang hinding-hindi mananakaw ng kahit na sino. Na importante ang makatapos ng pag-aaral dahil karugtong nito ang pagkakaroon ng magandang trabaho at maayos na pamumuhay.

Kung minsan ay na­ririndi na ang ilang estudyante sa paulit-ulit at walang katapusang paalala ng magulang na mag-aral ng mabuti. Pero sabihin mang kinaiinisan ito ng maraming estudyante, napakahalaga ng pag-aaral ng mabuti para sa magandang kinabukasan ng bawat kabataan. Hindi nga naman sa bawat sandali o panahon ay nariyan ang mga magulang para saluhin ang mga anak. Hindi man natin gustuhin ngunit dumarating ang panahong kailangang tumayo sa sariling paa ng mga anak. Na kaila­ngan nilang ikampay ang kanilang pakpak nang tumibay ito at makalipad sila ng matayog.

Napakahalaga ang makatapos ng pag-aaral. Pero hindi nagtatapos ang lahat sa pagkakaroon ng diploma. Kasi kung nakatapos ka nga sa pag-aaral pero hindi mo naman ito ginamit upang magkaroon ka ng magandang buhay o makapagtrabaho ka ng marangal, mawawalan din ng silbi ang pagkakaroon ng diploma.

Bukod sa pag-aaral ng mabuti at pagpupursigeng makatapos, importate rin ang pagiging masipag at ang kawalan ng takot na sumugal sa hamon ng buhay. Kumbaga, ang pagkakaroon ng diploma ay kailangang samahan ng tiyaga, sipag at tapang nang maging successful sa buhay.

Maraming negos­yante ang namamayagpag ngayon na hindi nakatapos ng pag-aaral. Sa bansa, kilalang-kilala sina Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala at Henry Sy sa naging successful.

Sa ibang bansa naman, ilan sa mga hindi nakatapos ng pag-aaral ngunit naging maunlad ang buhay o naging successful sa pinili nilang karera ay sina Steve Jobs, Mark Zuckerberg, Bill Gates, Oprah Winfrey at Lady Gaga.

Ilan lamang ang mga nabanggit na pangalan sa itaas ang naging successful sa pinili nilang karera. Pero sabihin mang malaki ang tiyansang magtagumpay ang isang tao basta’t may sipag, tiyaga at dedikasyon, importante pa ring mahalin natin ang ating pag-aaral. At hangga’t may pagkakataon, tapusin ito at huwag na huwag sasayangin.

Para sa mga estud­yante riyan, narito ang ilan sa mga practical tips upang malampasan ang mga pagsubok na dala ng pag-aaral at maabot na rin ang mga pangarap sa buhay:

IWASAN ANG DISTRACTION AT MAG-FOCUS

ESTUDYANTE-4Hindi nawawala ang distractions, lalong-lalo na sa eskuwelahan. Minsan nagiging dahilan ng kawalan natin ng focus ang mga kaibigan at ang pagkakaroon ng girlfriend o boyfriend. May iba kasing kabataan na kapag tumibok ang batang puso, bigay-todo na. Ibinibigay na ang lahat. Kung minsan, hindi na nakapagtitira sa sarili. Kaya’t ang nangyayari, kapag nagkaproblema sa karelasyon, iyak at mukmok ang inaatupag. Nawawalan na rin ng ganang mag-aral.

Kaya tuloy, ang ginagawa ng mga magulang ay pinagbabawalan munang makipagrelasyon ang kanilang mga anak hangga’t hindi ito nakapagtapos ng pag-aaral. Pero may ilang kabataan ang pasaway. Sabagay, mahirap nga namang pigilin ang tibok ng damdamin.

Bukod din sa pagkakaroon ng karelasyon, ilan pa sa nagiging sanhi kaya’t nadi-distract ang estudyante ay ang mga kaibigan. Sa totoo lang, importante ang pagkakaroon ng kaibigan sa eskuwelahan. Makatutulong kasi ang mga ito lalo na kung kinailangan mo sila. Masaya rin at naka-e-excite ang magtungo sa school kung may mga kaibigan ka.

Pero kung minsan, imbes na kabutihan ay distraction ang hatid ng pagkakaroon ng kaibigan. Iyan ay kung hindi ka matututong ba­lansehin ang mga bagay-bagay at kung hahayaan mong maging dahilan ito ng problema.

Gayunpaman, hangga’t kaya ng isang estudyante ay iwasan ang mga distraction at mag-focus sa mga nais maabot sa buhay. Sa kahit na anong bagay, pagiging balanse ang solusyon. Kaya’t matuto tayong timbangin ang mga bagay-bagay. Hindi lang din puro pag-aaral ang dapat na atupagin kundi magpahinga rin. Magsaya.

Mainam din kung ang pipiliing kaibigan ay motivated at focused. Importante rin ang pagkakaroon ng kaibigang positibo ang pagtingin sa mga bagay-bagay.

MAGING ORGANI­SADO, HANDA AT MAGKAROON NG STUDY SPACE

ESTUDYANTEImportante rin ang pagiging organisado, hindi lamang sa mga bagay kundi maging sa buhay. Oo, kahit na nakaplano o maayos na nating naisalansan sa ating isipan ang mga gusto nating mangyari, kung paano natin makakamit ang ating gusto, kung minsan ang tuwid nating daan ay lumilihis. Kumbaga, may mga pangyayaring nangyayari kahit na ayaw natin at hindi inaasahan. Hindi naman ito maiiwasan. Kahit na plantsadong-plantsado na ang mga bagay-bagay, may pagkakataon pa ring nababago ito. Dapat din ay maging handa tayo sa mga ganoong pagbabago.

Bukod sa pagiging organisado, importante rin ang pagkakaroon ng study space at pagtatakda ng oras at panahong mag-aral ng leksiyon.

May ilang kabataan na mas gusto iyong maraming kasama sa pag-aaral. Kung iyon ang trip mo, puwede kayong magplano ng mga kaibigan mo at sama-sama kayong mag-aral. Kung ikaw naman iyong tipo ng taong gustong mag-aral nang mag-isa, mainam naman kung magtatakda ka ng oras, panahon at lugar ng iyong pag-aaral.

MAKINIG, MAGTANONG AT MAG-NOTES

Ginagawang laro ng ilan ang pag-aaral. Pumapasok nga sa school pero hindi naman nakikinig at nagno-notes. Importante ang pakikinig lalo na kung hindi mo naiintindihan ang leksiyon. May ilang guro na boring kung magturo. At imbes na matuto tayo ay mas lalong kinatatamaran ang pakikinig.

Maging active sa klase. Matutong ma­kinig. Matuto ring magtanong. Kung may hindi man naiintindihan, huwag tumahimik lang sa isang tabi. Magtanong ka. At higit sa lahat, matutong mag-notes para kung may hindi man maintindihan, may mababalikan o mababasa.

Huwag ding matakot o mangambang humingi ng tulong kung kinakailangan. Higit sa lahat, magpasa rin ng homework ng tama sa oras.

MATUTONG I-MANAGE ANG STRESS, INIISIP AT EMOSYON

Problema talaga ang stress sa kahit na sino sa atin. Hindi nga naman talaga nawawala ang stress sa buhay ng tao. At kung pag-tutuunan pa natin ng pansin, tiyak na mas lalo tayong makadarama ng stress.

Oo, alam naman na­ting hindi talaga tayo nilulubayan ng stress. Tila anino na nga natin itong sunod nang sunod sa atin. Gayun-paman, dapat ay matutunan natin kung paano natin ito ima-manage. Nakasasama ang stress lalo na kung hinayaan natin ito sa ating sistema.

At para ma-manage ang stress, ilan sa mga paraang puwede mong gawin ay ang paghinga ng malalim, pagsusulat ng journal o ang pagbabasa ng libro.

Bukod sa stress, dapat ding matutunang i-manage ang emosyon, gayundin ang mga tumatakbo sa ating isipan. Kung minsan, lalo na kung may nangyaring hindi maganda, hindi natin nama-manage ng maayos ang ating emosyon. Kung minsan din, sinasabi natin nang hindi pinag-iisipan ang tumatakbo sa ating isipan. Kumbaga dala ng galit ay kung ano-ano ang naiisip at nasasabi natin.

Maging maingat sa bibitawang salita. Kasi kapag nasabi mo na, mahirap nang bawiin.

Sa totoo lang, maraming practical tips na masasabi ang kahit na sino na swak sa mga estudyante. Gayunpaman, nasa sa estudyante pa rin iyon kung gagawin niya ba o makatutulong ba ito sa kanya. Lahat naman kasi ng nakalista sa itaas, gabay lang sa mga estudyante. Hawak nila ang baraha ng kanil-ang buhay. Kaya’t sila pa rin ang magdedesisyon kung susundin ba nila ang mga ito o hindi.

Comments are closed.