PRANGKISA NG KCS SA VISMIN CUP FOR SALE

Ricky Verdida

PANAWAGAN sa sportsmen/businessmen na nais maging bahagi ng VisMin Super Cup.

Ipinahayag ni KCS Computer Specialist-Mandaue owner Ricky Verdida na ibinebenta na niya ang prangkisa ng koponan upang maisalba ang hanapbuhay ng mga player at personnel, gayundin ang mapagtuunan ng atensiyon ang kabuhayan ng kanyang pamilya.

“Hindi na kaya. Nabaon na sa utang,” pahayag ni Verdida sa media interview matapos ang awarding ceremony kung saan runner-up ang KCS sa Jumbo Plastic-Basilan sa Southern Finals ng Chooks-to-Go VisMin Pilipinas Super Cup nitong Huwebes.

“I want to continue but at the same time, I need to take care of my family.”

Winalis ng Peace Riders ang KCS, 3-0, sa kanilang best-of-five Finals sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.

Aniya, ang P1 milyon na kaloob ng Chooks-to-Go Pilipinas sa kanilang kampeonato sa Visayas leg ay ginamit niya para matustusan ang pangangailangan ng mga player at ang P500,000 premyo sa South Finals ang gagamitin para sa suweldo.

“If there’s someone interested, it would be great so that my players can still have work,” wika ni Verdida, may-ari ng Kiboy’s Computer Solutions.

Iginiit niya na hindi siya nagsisisi sa paglahok sa liga higit at layunin niya ang makatulong sa mga player at maiangat ang sports na malapit sa kanyang puso.

“I feel infinite happiness that we made it this far despite everything that we went through,” pahayag ni Verdida.

Subalit higit aniyang mas maaksyon ang serye ng Southern Finals kung hindi nabimbin ang Mindanao leg dahil sa lockdown. Hindi na nakalaro ang tatlong star players ng KCS na sina Ping Exciminiano, Gryann Mendoza, at Al Francis Tamsi dahil nag-report na ang mga ito sa kani-kanilang mother team sa PBA.

“Had the Mindanao leg started on schedule, we would have had a complete team,” aniya. EDWIN ROLLON

Comments are closed.