PINAREREPASO ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang prangkisa ng Manila Electric Company (Meralco) sa gitna ng patuloy na pagtaas sa singil sa koryente.
Sa isang privilege speech kamakailan, sinabi ni Rep. Marcoleta na dapat nang suriin at repasuhin ng Kongreso ang prangkisa ng Meralco kahit sa 2028 pa ito mapapaso.
“Ngayon pa lang, Mr. Speaker, ay dapat na nating suriin ang prangkisa ng Meralco na alam kong may bisa pa hanggang 2028. Hindi naman kailangan na hintayin pa nating mag-expire ang kanilang prangkisa dahil maaari itong ipawalang-bisa o kanselahin ng Kongreso kapag nagkaroon ng paglabag sa alinmang termino o probisyon sa batas ng kanilang prangkisa— ang Republic Act 9209,” pagbibigay-diin ng kongresita.
Ayon kay Marcoleta, nakasaad sa Section 4 ng prangkisa ng power distributor na “dapat mag-supply ang Meralco ng koryente sa ‘captive market’ nito sa pinakamurang kaparaanan at dapat itong magpatupad ng ‘reasonable, just and competitive’ power rates sa lahat ng uri ng customers nito nang sa gayon ay makapag-compete ang mga negosyo at industriya.”
Sinabi ng kongresista na ang mataas na singil sa koryente ay isang mabigat na alalahanin na pinapasan ng mga mamamayan sa napakatagal nang panahon kaya dapat na itong tuldukan lalo na ngayong patuloy na nahaharap sa pandemya ang bansa.
Aniya, dapat nang amyendahan ang Section 10 ng RA 7832 upang tuluyan nang maalis ang tinatawag na ‘system loss’ dahil hindi naman kasalanan ng mga consumer ang pagkawala o pagkanakaw ng koryente.
“Ito po ay tinatawag na ‘element of risks’ na alam na alam naman po ng mga kompanya na may kinalaman sa negosyo ng koryente. Ang ‘system loss’ ay dapat balikatin ng kompanya ng koryente — hindi po ng mga konsyumer,” paliwanag pa ng mambabatas.
Binigyang-diin niya na halos P23 billion bawat taon ang net income o malinis na kita ng Meralco kaya hindi nito iindahin ang pag-aalis sa ‘system loss’
“Maliit na kurot lamang po ito, Mr. Speaker, kung ikukumpara sa napakalaking tinutubo ng Meralco,” dagdag pa niya.
Bukod dito ay pinaaalis din ni Marcoleta ang pagbabayad ng local franchise tax sa bill sa koryente. Aniya, hindi ito dapat ipapasan sa mga consumer dahil mali ang basehan nito.
“The franchise tax is computed from the aggregated total of generation, transmission, and distribution charges already paid by the consumers, in addition to system loss, metering charges, subsidies, and current property tax. Seventy five percent of the total cost of these component charges is shouldered by the consumers and, the distribution utility that owns and applied for the local franchise pays only 25%. Hindi po makatatungan ito.”
Hiniling din ni Marcoleta sa Commission on Audit (COA) ang pag-audit sa mga libro ng Meralco dahil sa tila mga pagkakaiba sa energy generation supply purchases ng Meralco tulad ng iniulat sa Energy Regulatory Commission (ERC) at sa mga consumer, kumpara sa purchase power na idineklara nito sa kanilang financial report.
“While these discrepancies may yield to several conclusions, the bottom line suggests that the consumers are overcharged in billions of pesos annually based on our preliminary findings covering the last several years,” sabi ni Marcoleta.