NABABAHALA na rin maging ang Philippine Red Cross (PRC) sa kinakaharap na water crisis sa bansa kaya’t mabilis nang umaksiyon dito.
Ayon kay PRC Chairman at Senador Richard Gordon, nagsuplay na ng tubig ang PRC sa mga pagamutang nangangailangan nito kasabay ng pana-wagan sa publiko na magtipid sa tubig.
Una nilang nirasyunan ng tubig ang Rizal Medical Center sa Pasig City, na kabilang sa mga pagamutan na naapektuhan ng pagkaantala sa serbisyo.
Tumawag aniya si Health Secretary Francisco Duque III kay Gordon at ipinaabot ang problema sa tubig ng pagamutan.
Agad na nagpadala ng dalawang 12-liter at apat na 10-liter water tankers ang PRC na kayang magkarga ng hanggang 64,000 liters ng tubig kada batch, upang punuan ang 145,000-liter reservoir ng pagamutan.
Ayon kay Gordon, “The problem was formidable. We solved it by providing a pump that can fill the water tanks, which will supply water in the 450-bed hospital. This should help the patients who are vulnerable due to lack of potable and clean water in the facility.”
Paliwanag ng PRC chief, prayoridad nila na masuplayan ng tubig ang mga pagamutan upang matiyak na hindi maaantala ang pagbibigay nito ng healthcare services at makaiwas sa anumang kumplikasyong pangkalusugan, gaya ng sepsis, na isang uri ng impeksiyon sa dugo.
Plano naman nila na makakuha ng mas maraming 10,000-liter water tankers upang makatulong sa iba pang apektadong ospital sa Metro Manila.
Nabatid na sa kasalukuyan ay mayroon nang walong water tankers ang PRC sa Metro Manila, na bahagi ng 20 water tankers nila na nakakalat sa buong bansa.
Kaugnay naman nito, hinihikayat ni Gordon ang publiko na magtipid ng tubig at nagbigay pa ng ilang tipid tubig tips (3Ts).
Kabilang dito ang pag-iwas sa paggamit ng hose at sa halip ay gumamit na lamang ng tabo at timba sa pagdidilig at paglilinis ng sasakyan at walis sa paglilinis ng sidewalks at daanan.
Ayon kay Gordon, hindi dapat na hayaang bukas at umaandar ang gripo habang naghuhugas ng plato, pinagkainan, gulay, prutas, karne at kamay, at maging habang nagsesepilyo.
Mas mainam aniya kung lilimitahan ang paggamit ng tubig sa paliligo at paglilinis ng katawan at huwag na munang gumamit ng shower.
Dapat ding alalahanin palagi na patayin ang tubig kung hindi ginagamit at gamitin ang mga ‘used water’ sa pagdidilig ng halaman, pagbubuhos ng inidoro at paglilinis ng garahe at iba pa.
Samantala, nanawagan na rin naman ang PRC sa publiko na tulungan sila upang higit pa silang makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Ang mga interesadong magbigay ng tulong pinansiyal ay maaaring magpadala ng kanilang donasyon sa bank accounts nila sa Banco De Oro (Account name: Philippine Red Cross, Peso account: 00-4530190938 at Dollar account: 10-453-0039482, Swift code: BNORPHMM); Metrobank (Account name: Philippine Red Cross, Peso account: 151-7-15152434-2, Dollar account: 151-2-15100218-2, Swift code: MBTCPHMM) at Landbank (Account name: Philippine Red Cross, Ac-count number: 0561-095817). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.