NAGSIMULA nang bumaba ang presyo ng baboy sa bansa dahil sa pagbagsak ng demand bunga ng pangamba sa African swine fever (ASF), ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sa kabila ng 4.34 hanggang 13.00% pagbaba sa presyo ng kada kilo ng baboy, sinabi ng DTI na itinuturing nilang matatag ang sitwasyon.
“Stable naman sa baboy, P200 to P220 (per kilogram), so stable po ‘yan, hindi siya bumagsak, medyo bumaba lang siya,” wika ni Trade Secretary Ramon Lopez.
“From P230, naging P220 because the demand medyo nangalahati raw sabi ng mga tindera,” anang kalihim.
Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na sa isinagawang confirmatory testing sa ibang bansa ay lumabas na positibo sa ASF ang mga baboy sa Filipinas.
Ang samples ay kinolekta sa mga baboy sa tatlong barangay sa lalawigan ng Rizal kung saan namatay ang 100 baboy noong nakaraang buwan. Ipinadala ang samples sa World Reference Laboratory sa Pirbright, England para sa confirmatory testing.
Comments are closed.