BUMABA ang presyo ng bangus sa ilang pamilihan sa Metro Manila, base sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Napag-alaman na P170 na lang ang presyo ng kada kilo ng bangus mula sa P175 noong nakaraang linggo.
Sa Mega Q Mart sa Quezon City ay naglalaro sa P120 hanggang P170 ang presyo ng kada kilo ng bangus.
Wala namang paggalaw sa presyo ng tilapia na P120 ang kada kilo, gayundin ang galunggong na P240 ang kada kilo.
Gayunman, inaasahan ang pagsipa ng presyo ng isda sa mga susunod na araw dahil nababawasan ang huli tuwing malamig ang panahon.
Inaasahan ding makaaapekto sa presyo ng isda ang big-time price hike sa petrolyo.