ALINSUNOD sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) kamakalawa ay umaasa ang AGRI partylist na agarang matatalakay at susuportahan ng bagong liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kanilang House Bill 7735 o ang Revised Agricultural Tariffication Act.
Mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos sa Kongreso na madaliin ang pagsasabatas ng pagpapataw ng buwis sa importasyon ng bigas matapos niya itong sertipikahan bilang ‘urgent bill’.
Ayon kay Benjie Martinez, secretary-general ng naturang partylist organization, ang nasabing panukalang batas na kanilang isinusulong ay isasalang pa lamang para sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara.
Bago ang SONA, aminado ang AGRI partylist na maaaring matagalan ang ganap na pag-apruba sa HB 7735 dahil sa kasalukuyan ay hindi pa umano nakabubuo ng counterpart bill dito ang Senado at kinakailangan pang magsagawa ng mga pagdinig sa kinauukulang komite ng huli.
Subalit, nabuhayan sila ng loob nang mabanggit ni Pangulong Duterte sa SONA ang pagsuporta at panawagan nito na makapagpasa ang Kongreso ng isang rice tariffication bill.
“We need to switch from the current quota system in importing rice to a tariff system where rice can be imported more freely. This will give us additional resources for our farmers; reduce the price of rice by up to seven pesos per kilo, and lower inflation significantly.
I ask Congress to prioritize this crucial reform, which I have certified as urgent today,” ang naging talumpati ng Punong Ehekutibo.
Sinabi naman nina AGRI partylist Reps. Delphine Gan Lee at Orestes Solon na bukod sa tiyak na mapapababa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan, ang makokolekta ng pamahalaan mula sa buwis na ipapataw sa imported rice ay magagamit para sa iba’t ibang programa na kapaki-pakinabang sa mga lokal na magsasaka.
“The current QR policy has clearly not worked in curbing rice prices. While the present system continues, it is the poor who will continue to suffer because they spend a large chunk of their incomes on rice,” pahayag pa ng dalawang partylist lawmakers.
Bukod dito, kapag nagkakaroon, anila, ng batas na magtatakda ng buwis sa bawat kargamento ng bigas na aangkatin, maaari nang mabuwag ang monopolyo sa rice importation at ang National Food Authority (NFA) ay mapagtutuunan ang responsibilidad na masigurong may sapat na suplay o buffer stock ng bigas ang bansa. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.