INAASAHANG tataas pa ang presyo ng bigas sa bansa sa gitna ng pagmahal ng Pinoy staple sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa rice stakeholders, tumataas ang presyo ng bigas sa Vietnam, Thailand, at India, dahilan para sumirit ang presyo ng imported rice sa bansa.
“Tataas pa ang presyo ng bigas dahil tumataas ang presyo ng imported rice internationally, sa harap ng pag-ban ng exports ng India,” wika ni Rosendo So, chairman ng agricultural group Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Sinabi naman ni Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers na binabawasan na ng private traders ang kanilang imports dahil sa tumataas na international prices habang itinatago ng local traders ang kanilang stocks at hinihintay na tumaas pa ang local prices.
Kasabay ito ng lean months ng July at August, kung saan kaunti ang ani.
Dagdag ni Montemayor, kung hindi darating ang kinakailangang imports sa mga darating na buwan ay maaaring magkaroon ng “very tight supplies” bago magsimula ang anihan sa late September at mag- peak sa October at November.
Maaari rin aniyang maantala ang anihan sanhi ng bagyo dahil kailangang magtanim ulit ang mga magsasaka.