TUMAAS ang presyo ng mga isda at gulay dahil sa mga nagdaang bagyo at closed fishing season, ayon sa Department of Agriculture (DA).
“Unang-una kasi off season ng fishing kapag ganito na taglamig. Kasi dine-declare natin na closed fishing season so mababa ang suplay… Nagi-import naman tayo kaya lang ‘yong iba kasi ang laki ng patong nila,” sabi ni Agriculture Spokesperson Noel Reyes.
“Karamihan [ng] lowland vegetables at highland vegtables limitado ang suplay dahil sa mga nagdaang bagyo,” dagdag pa niya.
Sa ilang palengke sa Metro Manila, ang presyo ng galunggong ay nasa P300 kada kilo na ngayon mula sa dating P260.
Ang bangus ay pumapalo na sa P200 kada kilo; hipon, P500 hanggang P580 kada kilo; tulingan, P260 hanggang P300 kada ki-lo; at dalagang bukid, P280 hanggang P300 kada kilo.
Samantala, sumipa naman sa P190 hanggang P200 kada kilo ang presyo ng repolyo mula sa dating P140; carrots, P180 kada kilo mula sa dating P140; Baguio beans, P150 kada kilo mula sa dating P70; talong, P160 kada kilo mula sa dating P120; petchay Baguio, P180 hanggang P200 kada kilo mula sa dating P140; at kamatis, P180 kada kilo mula sa dating P140.
Comments are closed.