PRESYO NG LPG, DIESEL MAY ROLBAK

LPG-KEROSENE

MAY bawas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) simula kahapon, Agosto 1.

Ayon sa Petron, tinapyasan nila ang presyo ng LPG ng P2.05 kada kilo at ng P1.15 kada litro para sa AutoLPG.

Epektibo ang rolbak ng Petron kahapon ng alas-12:01 ng umaga.

“These reflect the international contract price of LPG for the month of August,” ayon sa Petron.

Ayon naman sa Eastern Petroleum, simula alas-12:01 ng hatinggabi ng Martes, babawasan nila ng P1.70 kada kilo ang presyo ng kanilang LPG o katumbas ng P18.70 kada 11 kilo.

Nasa P2.09 kada kilo naman ang rolbakna ipatutupad ng Solane sa kanilang LPG simula ngayong Martes.

Ang presyo ng regular 11-kilogram LPG ay bumaba na ng P18.70 hanggang P22.55 ngayong buwan matapos ang apat na sunod na buwang rolbak.

Samantala, may dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo simula ngayong Martes.

Sa abiso ng Cleanfuel, Eastern Petroleum, Petro Gazz, Seaoil at Shell, ang presyo ng diesel ay bababa ng P0.60 kada litro habang may P0.75 dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina.

Tatapyasan din ng Seaoil at Shell ang presyo ng kanilang kerosene ng P0.75 kada litro.

Noong nakaraang Martes, Hulyo 26, ang presyo ng kada litro ng diesel ay bumaba ng P1.85, gasolina ng P0.40, at kerosene ng P1.30.