PRESYO NG PALAY TUMAAS PA

PALAY

TULOY sa pagtaas ang average farm-gate price ng palay sa ika-6 na sunod na linggo kung saan umabot ito sa 45-month high na P21.23 kada kilo sa gitna ng pagdating ng ­inangkat na bigas ng Na­tional Food Authority (NFA).

Sa preliminary data na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) kahapon, ang farm-gate price ng unmilled rice hanggang nitong ikalawang linggo ng Hunyo ay tumaas ng 0.33 percent mula sa naunang linggo na lebel na P21.16 kada kilo.

Gayundin, ang farm-gate price ng palay ay nagtala ng 10.06 porsiyentong pagtaas kumpara sa average quotation na P19.29 kada kilo noong nakaraang taon.

Napag-alaman na ito ang pinakamataas na naitalang average farm-gate price ng palay magmula noong ika-5 linggo ng Agosto 2014 nang ang average quotation ay nasa P21.11 kada kilo.

Sa reference period mula Hunyo 6 hanggang Hunyo 12, naobserbahan ng PSA na ang pinakamataas na farm-gate price ng palay sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Tarlac at South Cotabato ay nasa P24 kada kilo. Ang pinakamababang quotation ay naitala sa Surigao del Norte sa P18 kada kilo.

Naobserbahan din ang pagtaas kapuwa sa wholesale at retail levels ng  regular-milled rice at well-milled rice.

Ang average wholesale price ng well-milled rice sa nasabing reference period ay umabot sa P41.37 kada kilo, bahagyang mataas sa naunang linggong quotation na P41.35 kada kilo. Ang bilang ay mas mataas din ng 6.68 percent sa  P38.78 per kg quotation sa ikalawang linggo ng Hunyo 2017.

“Similarly, the average retail price of well-milled rice at P44.13 per kkg posted a 0.02 percent increase from a week ago level of P41.12 per kg,” pahayag ng PSA sa  weekly price monitoring report nito na may titulong “Updates on Palay, Rice and Corn Prices.”

“On an annual basis it rose by 5.55 percent,” dagdag ng PSA.

Ang wholesale prices ng regular-milled rice hanggang nitong ikalawang linggo ng Hunyo ay lumapit sa P38-per-kg level nang magtala ng average quotation na P37.94 kada kilo. Mas mataas ito ng 0.03 percent at 8.43 percent sa naitalang price levels sa naunang linggo at noong nakaraang taon, ayon sa pagkakasunod.

“At the retail trade, the average price of regular milled rice at P40.44 per kg was higher by 0.17 percent from P40.37 per kg in the previous week,” nakasaad pa sa report ng PSA.

“Likewise, it accelerated by 7.18 percent from a year ago price level of P37.73 per kg,” dagdag nito. JASPER ARCALAS

Comments are closed.