SIMULA Hulyo 4, magiging epektibo na ang utos ng Department of Energy (DOE) na “fuel unbundling” o paghimay sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon naman sa ilang oil firm, plano nilang humiling sa korte ng temporary restraining order (TRO) para ipatigil ang utos ng gobyerno.
Sa ipinag-aatas ng DOE, bawat kompanya ng langis ay obligado na magsumite sa kagawaran ng presyo ng kanilang inangkat na petrolyo, freight cost, insurance, at foreign exchange rate.
Kasali rin dito sa isusumite ang lahat ng buwis at halaga ng biofuels.
Sa tinatawag namang “company take,” kasama ang pagsumite ng ibang gastos at kita ng kada kompanya.
“Tahimik iyong batas regarding ano po ba ‘yong tamang kita. Dahil tahimik ‘yong batas, ang ginagawa na po ng Department of Energy na una, hindi naman po unconscionable. Pangalawa, na iyong kanilang pagpresyo ay reasonable,” pahayag ni Energy Assis-tant Secretary Bodie Pulido.
Ayon naman sa mga source sa industriya ng langis, ipatitigil ng mga kompanya ang utos sa pamamagitan ng paghirit ng TRO.
Nilalabag umano ng utos ang Oil Deregulation Law at may mga impormasyong hindi puwedeng malaman ng mga magkakakompetisyong kompanya.
Nilinaw naman ng DOE na para lang sa kanila at hindi ibabahagi sa publiko ang isusumiteng datos ng mga kompanya.
Samantala, inaasahang maliit lang ang magiging galaw sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.
Sa unang 3 araw ng trading sa pandaigdigang merkado, nasa P0.29 ang ibinagsak ng presyo ng inangkat na gasolina.
Tumaas naman ng P0.17 kada litro ang presyo ng imported diesel at kerosene.
Comments are closed.