INIHAYAG ng Canned Sardines Association ang nakaambang pagtaas sa presyo ng mga delatang sardinas na magiging epektibo sa unang linggo ng Disyembre.
Ayon sa pahayag ni Marvin Lim ng Canned Sardines Association of the Philippines, ang pagtaas ay inaasahang mula P0.50 hanggang P0.60 sentimos sa bawat lata nito.
Sinabi ni Lim na ang pagtaas ay bunsod na rin ng malaking kakapusan at pagmahal ng isdang tamban at pagtaas ng dollar rate.
Ayon kay Lim nag-abiso na sila sa pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay sa ipatutupad nilang dagdag sentimo sa kada lata ng sardinas.
Pinabulaanan naman ni Lim ang pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na walang kakapusan sa isdang tamban na pangunahing sangkap sa pagawa ng sardinas.
Aniya malaki ang kakapusan ng isdang tamban at sila ay naghahabol sa pagbili ng tamban dahil sa pagsasara o muling pag-ban ng nabanggit na isda ngayong buwan ng Disyembre.
MARIVIC FERNANDEZ