INAPRUBAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hirit ng mga manufacturer na pagtataas sa presyo ng delatang sardinas na sisimulan sa Disyembre 5.
Ang pagtataas ng presyo ng naturang produkto ay bunsod sa naging resulta ng pagpupulong noong nakaraang Miyerkoles sa pagitan ng DTI at manufacturers nito kung saan napagkasunduan ng dalawang panig ang pagdadagdag ng presyo ng mga delatang sardinas.
Ayon sa DTI, mararamdaman ng konsyumers simula sa Miyerkoles ang dagdag presyo nito na maglalaro mula P0.50 hanggang P0.80 sa mga delatang sardinas.
Sinabi naman ni Marvin Tiu Lim, presidente ng Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) na noon pang mga buwan ng Hulyo at Agosto ang kanilang paglalagay sa lata ng mga sardinas kung kailan mataas pa ang presyo ng petrolyo.
Dagdag pa ni Lim, sa mga panahong iyon ay nagsakripisyo sila alang-alang sa konsyumer dahil mataas pa ang ipinipresyo sa kanila ng suppliers. Sa pagkakataong ito ay napapanahon naman na kanilang maramdaman ang bunga ng kanilang paghihirap sa kabila ng ilang linggong sunod-sunod na pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo.
Binigyan din ni Lim ng kasiguruhan ang konsyumer na malaki ang posibilidad na sa susunod na taon ay hindi na magtaas ng presyo ang produkto ng sardinas kapag nagtuloy-tuloy pa ang oil price rollback.
Matatandaan na nagpatupad ng “price freeze” ang DTI sa mga presyo ng pangunahing bilihin hanggang matapos ang buwan na kasalukuyan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.