HINIKAYAT ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na mamili ng pagkain sa mga supermarket na mas mababa ang presyo kumpara sa mga public market.
Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez, mabilis mag-reflect sa presyuhan sa mga supermarket o groceries ang paggalaw ng presyo sa farm gate.
Aniya, hindi ito kagaya ng mga palengke na kahit gumalaw na o bumaba na ang presyuhan sa farm gate o producers ay hindi pa rin nagbababa sa presyo ng kanilang paninda.
Ninaw pa ni Lopez na wala sa kontrol ng DTI ang mga lokal na pamilihan dahil saklaw ang mga ito ng local government units (LGUs).
Ang LGUs, aniya, ang nakasasakop at dapat na magbantay sa mga palengke kaugnay sa presyuhan na ipinatutupad sa mga pamilihan.
Nabatid na nakikipag-ugnayan ang DTI sa mga local market master at nangako naman ang mga ito na makikipagtulungan sa DTI.
Sinasabing isa sa mga dahilan kaya hindi kaagad nagre-reflect sa pagbagal ng inflation, partikular sa pagkain, ay hindi gaanong nababantayan ang presyuhan sa mga pamilihan o palengke.
Mismong ang DTI ang nagsasabing hanggang sa ngayon ay hindi pa tama ang nakikita ng ahensiya sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga palengke. VERLIN RUIZ
Comments are closed.