(Presyo tumaas)SHORTAGE SA KAMOTE

Department of Agriculture-2

KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) ang kakulangan sa supply ng sweet potatoes o kamote sa bansa.

Sa report ng GMA Network, sinabi ni DA Undersecretary Domingo Panganiban na nagsimulang bumaba ang suplay ng kamote noong nakaraang buwan.

“Hindi masyadong lalaki ang kamote kapag tag-ulan. Sa ngayon, tag-ulan… talagang kulang,” sabi ni Domingo.

“Medyo kakaunti ngayon pero pagdating na ng October, November, December, hindi na apektado ‘yan dahil lalaki na. At least, mumura na ‘yan,” dagdag pa niya.

Ayon sa opisyal, ang kamote ay nagmumula sa Central Luzon, Southern Tagalog, at Northern Luzon — na sinalanta kamakailan ng Severe Tropical Storm Florita.

Aniya, inatasan niya ang Bureau of Plant Industry na mangalap ng datos sa kung gaano kalaki ang ibinaba ng suplay ngayong taon.

Ayon sa report, apektado na ang presyo ng kamote ng pagbaba ng suplay.

Sa Balintawak market, ang isang kilo ng kamote ay nagkakahalaga ngayon ng P45, mula sa dating P25 hanggang P35 kada kilo.