SA PAGWAWAKAS ng ‘National Awareness Week for the Prevention of Child Sexual Abuse and Exploitation’, binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng isang malawakang “Human Trafficking Preventive Education Program” upang mabigyang proteksiyon ang kabataan laban sa online sexual exploitation of children o OSEC.
Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, bibigyan ng panukalang programang ito ang mga kabataan ng sapat na kaalaman at proteksiyon upang masugpo ang OSEC at iba pang anyo ng trafficking. Dagdag pa ng sena-dor, tutulungan ng programang ito ang mga komunidad na magkaroon ng sapat na kakayahan upang matukoy at mapanagot ang mga kriminal.
Ayon sa “2018 Findings on the Worst Forms of Child Labor” ng United States Department of Labor, Filipinas ang pangunahing pinagmumulan ng mga kaso ng OSEC sa buong mundo. Sa mga maliliit na internet cafe, mga “cybersex dens” at maging sa mga pribadong tahanan, ang mga batang biktima ng OSEC ay binabayaran ng mga customer, Filipino man o banyaga, upang magpakita ng kalaswaan.
Ayon sa International Justice Mission Philippines, may mga biktimang nasasagip na labindalawang taong gulang pa lamang. Noong 2018, pumalo sa anim na sa 600,000 cybertips ng mga malalaswang larawan ng kabataan ang naiulat sa DOJ, mas mataas ng isang libong porsiyento sa mahigit 45,000 naitala noong 2017.
“Sa buong mundo, tayong mga Pilipino (sic) ang naglalaan ng pinakamaraming oras sa internet at dahil din dito kaya ang ating bansa ang may pinakamaraming kaso ng online sexual abuse na sangkot ang mga bata. Nakakabahala ito kaya nais nating magka-roon ng programang magbibigay sa kanila ng proteksiyon at kaalaman para na rin sa lahat kung paano masugpo ang ganitong klaseng mga krimen,” ani Gatchalian.
Inihain noong nakaraang taon ni Gatchalian ang Senate Bill 735 o ang Human Trafficking Preventive Education Program Act na layong iangat ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa kanilang mga karapatan, mga programang nagbibigay proteksiyon, at ang mga panganib na dulot ng iba’t ibang uri ng trafficking tulad ng prostitusyon at sexual exploitation.
May dalawang bahagi ang panukalang programa: ang school-based at community programs. Saklaw ng school-based program ang mga junior high schools, senior high schools, colleges and universities, at mga technical and vocational programs. Sa mga ba-rangay naman balak ipatupad ang community-based program.
Layon din ng programang magkaroon ng mga guidance counselors at support staff na magbibigay ng proteksyon at gabay sa mga mag-aaral at out-of-school youth, lalo na ang mga biktima ng human trafficking.
Comments are closed.