PRICE CUT SA BIGAS: P30-P32/KG

Bigas

MAAARING bumaba ang presyo ng bigas sa P30 hanggang P32 kada kilo makaraang simulan na ang implementasyon ng Rice Tariffication Law, ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, ang private sector traders ay pinapayagang mag-import ng bigas nang walang limit basta magbabayad sila ng 35-percent ­tariff at kukuha ng permit mula sa Bureau of Plant Industry.

“Kapag marami na kasing nag-import at nagpapababaan ng presyo , maaari tayong makakita ng P30 to P32 (na presyo ng bigas kada kilo),” wika ni Lopez sa isang forum.

Aniya, ang mas murang bigas ay mararamdaman, tatlong linggo matapos ang pagpapatupad sa batas.

Subalit dahil maagang nag-apply ang ilang negos­yante, dalawang linggo matapos ang implementasyon ng batas, ang murang bigas ay nabibili na sa ilang leading supermarkets, ayon pa kay Lopez.

Sinabi ng kalihim na lumilikha ang National Food Authority (NFA) ng buffer stock ng bigas na maaari nilang ibenta sa merkado kapag napuno na ang kanilang imbakan.

“’Yung buffer stock na ‘yun, kailangan din pong paikutin nila para hindi mapuno. Eventually, ire-release din nila sa market,” ani Lopez.

Samantala, tiwala si Lopez na magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng samu’t saring problema na kinakaharap nito tulad ng nararanasang El Niño pheno­menon na nakaaapekto sa mga magsasaka.

Umaasa si Lopez, na isa ring ekonomista, na magtutuloy-tuloy ang pagganda ng ekonomiya ng bansa huwag lamang tumindi ang US-China trade war, gayundin ang pagkakagulo sa pandaigdigang presyo ng langis at ang isyu ng Brexit na nakaaapekto rin sa bansa.

Kumpiyansa ang DTI chief na lalago ang ekonomiya ng Filipinas dahil tuloy- tuloy na ang ‘Build, Build, Build’ program ng pamahalaang Duterte.

Aniya, sa pamamagitan nito ay gaganda ang transportasyon kung saan mas madali na ang pagdadala ng mga produkto mula probinsiya patungong Kalakhang Maynila.

Bukod dito, umaasa rin ang kalihim na magi­ging maganda ang resulta ng  pagbisita ni Pangulong Duterte sa Beijing, China sa Abril kaugnay ng Belt and Road project kung saan makakahatak ng maraming investors ang Pangulo.

Tinukoy niya ang ilang bagong pumasok gaya ng  Fortune Land at Integrated Island Steel na kapwa mula sa China, gayundin ang ilang posibleng grants na papasok kung saan ilan dito ay hydro electric power na ilalagay sa Bukidnon.   BENEDICT ABAYGAR, JR.