PRICE FREEZE SA NOCHE BUENA ITEMS IGINIIT SA DTI

SEN IMEE-2

HINDI pabor si Senadora Imee Marcos na itaas ang presyo ng Noche Buena products ngayong nalalapit na Kapaskuhan.

Kasunod ito ng apela ng mga manufacturer na magtaas sila ng 1 hanggang 3 percent sa presyo ng ilang popular na Noche Buena items.

Ayon kay Marcos,  chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, dapat manatili sa kasalukuyang presyo ang mga handa sa tradisyonal na Noche Buena  dahil sa mababang exchange rate, may umiiral na price freeze at mababang transport cost.

“Sa gitna ng pandemya, please, ‘wag na munang magtaas ng presyo ang mga manufacturer dahil hikahos na nga ang mga Pinoy. Dagdag pang pabigat sa kanilang balikat ang pang-araw-araw na gastusin. Magpa-Paskong tuyo na lang ba ang marami sa ating mga kababayan? ‘Wag naman,” pahayag ni Marcos

Giit ni Marcos sa Department of Trade and Industry (DTI) na tanggihan ang apela ng mga manufacturer at mahigpit na ipatupad ang price  freeze habang umiiral pa ang pandemya.

Bukod dito, dapat suriin muna, aniya,  ng DTI ang inventory ng mga retail store dahil nakatambak na ang mga supply ng Noche Buena products sa kanilang warehouses simula noong June.

“Kung pagbibigyan na naman ni DTI Sec. Mon Lopez ang hirit ng mga manufacturer, kawawa naman ang mga konsyumer, marami ang walang trabaho at kita, pagkakaitan pa ang kaunting handa sa Noche Buena,” diin ni Marcos

Sa datos ng DTI, mahigit sa  20 brands ng limang manufacturer ang humihirit ng taas-presyo tuwing Christmas season.

Sa monitoring naman ng opisina ni Marcos,  tumaas na ng P40 kada kilo ang hamon na itinitinda sa pamosong ham store sa Quiapo,  Maynila at posibleng tumaas pa ito bago sumapit ang Pasko.

Tumaas na rin ang presyo ng baboy sa palengke at supermarkets na naglalaro sa P295 hanggang P350 ang kilo. Ganoon din ang manok sa mga supermarket na nasa P160 hanggang P198 na kada kilo, depende sa parte ng manok.

Dahil sa kakapusan ng supply ng baboy,  inaasahang magtataas din ang presyo ng isang buong lechon sa La Loma, Quezon City mula P500 hanggang P1,000.  VICKY CERVALES

Comments are closed.