PINASISIYASAT ni House Appropriations Committee Chairperson at Davao City Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles sa National Food Authority (NFA) ang pagsipa ng presyo ng bigas sa Zamboanga Peninsula, gayundin ang posibilidad ng pagmamanipula ng mga negosyante sa Mindanao sa presyuhan nito dahil sa ulat ng abnormal na galaw sa presyo ng butil na nagkakahalaga na ngayon sa Zamboanga City ng P55 hanggang P68 kada kilo.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang karaniwang presyo ng tingi ng regular milled rice kada kilo ay P42.26 samantalang ang well milled rice ay nasa P45.71 kada kilo.
“Kahit pa ikonsidera natin ang masamang lagay ng panahon, mataas pa rin ang presyo ng bigas sa Zamboanga Peninsula. Masyado pa rin pong mahal ang presyong ito. Ang mga ganitong paggalaw ng preyo ay nakapagpapanipis sa limitado na ngang budget ng mga pamilyang nagnanais makakain ng tatlong beses isang araw. Dapat tingnan ng NFA kung may ilegal na nangyayari roon,” ani Nograles.
Hindi nagpatumpik-tumpik ang probinsiyanong mambabatas sa pagtugon sa problema kasabay ng pagpapalabas ng karagdagang NFA rice sa Zamboanga City. Nasa P27 kada kilo ang NFA rice at ito ang pinakamurang uri ng bigas sa mga pamilihan.
“Nasa 120,000 bags o 6,000 tonelada na ang ibinigay ng NFA sa Region IX. Sapat na ito upang pigilan natin ang pagsirit ng presyo ng lokal na commercial rice dahil palalawakin nito ang pagpipilian ng mamimili,” sabi pa ng mambabatas mula sa Mindanao.
Ayon naman sa NFA, ang kasalukuyang pagnipis sa suplay ng bigas ay sanhi ng sunod-sunod na sama ng panahon na nakaapekto sa produksiyon ng bigas at pagbiyahe nito patungo sa mga pamilihan.
“Ang mas masama pa rito, ang nakarating sa aking impormasyon ay may mga negosyanteng nagtatago ng kanilang bigas sa mga bodega kaya lalo pang tumaas ang presyo. Minamanipula nila ang merkado kaya nahihirapan ang mga probinsiyano. Ang dami na pong nagsusumbong sa akin. Dapat alamin ng NFA kung ito mismo ang nangyayari sa Zamboanga City o maging sa buong Zamboanga peninsula,” giit pa ng three-term congressman.
Ayon sa mga ulat na nakarating kay Nograles, ito ang mga presyo ng bigas sa Region 1X: Dipolog, Zamboanga Del Norte, P55 hanggang P60 kada kilo; Pagadian, Zamboanga del Sur, P55 hanggang P60 kada kilo; Ipil, Zamboanga del Sur, P55 hanggang P60 kada kilo; at Zamboanga City, P60 hanggang P68 kada kilo. Sa kalapit na lalawigan ng Basilan, ang bigas ay nasa P60 hanggang P70 kada kilo.
Sinabi ni Nograles na bibigyan siya ng regular na ulat ng NFA at ng Department of Agriculture (DA) hinggil sa presyuhan at sa mga inspeksiyong isasagawa ng dalawang ahensiya sa mga bodega sa naturang rehiyon.
Ito rin ang ikinababahala ni Zamboanga City Congressman Celso Lobregat kaya hinikayat nito ang mga ahensiya ng pamahalaan na pag-ibayuhin pa ang pamamahagi ng NFA rice sa nasabing rehiyon.
Comments are closed.