PRICE HIKE SA KAMATIS TINUTUTUKAN

BINABANTAYAN ng pamahalaan ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang kamatis, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin.

Batay sa report, ang presyo ng kamatis sa Cabanatuan, Nueva Ecija ay malaki ang itinaas dahil sa kakulangan sa suplay. Ang presyo ng kamatls ay nasa P130 hanggang P180 kada kilo ngayon sa Sangitan Public Market.

”Huwag kayong mag-aalala, ang gobyerno ay tinututukan lahat iyan. Parang natural na nangyayari kung minsan, per commodity. Right now, ang star of the moment is kamatis, napansin namin iyan,” pahayag ni Bersamin sa isang press briefing sa Malacañang.

”Other times mostly bigas, mula noong umpisa ng paninilbihan ko sa gabinete, nagtataka kami, kung paano pa mangyari iyan. There is a sufficient supply, but the prices don’t go down. They go up,” dagdag pa niya.

Aniya, maagap naman ang pamahalaan sa paghuli sa mga hoarder na nag-aambag sa pagtaas sa presyo ng basic commodities.

”So, we have been very active in prosecuting iyong mga hoarders. But that is only one part of the explanation. Mayroong smuggling… but we are looking at all these. Iyong kamatis is local production, bakit mataas,” ani Bersamin.

Batay sa report, ang kakulangan sa suplay ng kamatis ay iniuugnay sa pinsala sa agrikultura ng mga nagdaang bagyo.

Sa Metro Manila ay umaabot na sa P320 kada kilo ang presyo ng kamatis na halos ka-presyo na ng isang kilo ng karne ng baboy.