PRINGLE SAPAW SI THOMPSON?

on the spot- pilipino mirror

MAGULO ngayon ang pag-iisip ng mga player ng isang team. Hindi sila makapaniwala sa kanilang nalaman na mismo sa kanilang team owner nanggaling ang pagbibintang ng hindi maganda sa coach at ilang players ng koponan. Bago lumala ang sitwasyon na parang walang tiwala sa mga manlalaro ay magkaroon dapat ng pag-uusap. Ano ba ang nais palabasin ng team owner?

Gusto kaya niyang i-disband ang team kaya siya gumagawa ng kuwento? O may ilang tao sa  paligid ang sumisira sa isang nangunguna sa team? Tahimik lang ang taong ito, loyal siya sa team owner at sa koponan. Bagama’t nais na siyang pabalikin sa pag- operate sa liga ay wala siyang balak iwan ang team niya ngayon. Ngunit dahil sa lumabas na balita na isang malaking katanungan sa buong team ay posibleng bumalik ito sa dating trabaho.

Pero sana ay hindi pa huli ang lahat. Maayos pa sana ang ginugulong koponan ng mga taong walang magawa sa buhay. Siguro ay kailangan lang ng pakikipag-usap sa kinauukulan. Hindi ko man lubusang kilala ang owner ng team, sa pagkakita   ko sa kanya nang personal ay mabait at madali itong paliwanagan.



Sino naman kaya itong coach na posible raw palitan dahil sa ilang sunod na talo ng kanyang team?. Malakas ang hawak na team ni coach ngunit ‘di niya ito maipanalo. Sayang ang paglalaro ng ex-PBA player sa team na ito kung kulang sa diskarte si coach. Pero nakausap ko ang isang player ng team na pawang mga baguhan ang players, hindi pa raw nagdi-jell ang team at  nangangapa pa sila. Sana nga ay walang katotohanan ang bali-balita sa pagpapalit ng head coach.



Halatang nasasapawan ni Stanley Pringle sa playing time itong si Scottie Thompson. Si Pringle ang kapalitan ng dating player ng Perpetual na si Thompson. Sa totoo lang, ha, parang nawawalan ng kumpiyansa ngayon si Thompson. Kung dati rati ay super galing si Scottie, parang nabawasan na ang husay nito ngayon. At si Pringle na nga ba ang bagong favorite player ni coach Tim Cone?



Nagpatikim agad ng bangis ang San Beda Red Lions laban sa host Arellano University Chiefs, 59-49. Humataw ng double double si Cameroon’s Donald Tankoua na gumawa ng 13 points, 10 rebounds, 3 assists at 2 steals. Nag-ambag naman si James Canlas ng 10 points at 7 rebounds para sa Red Lions. Pinatunayan ng tropa ni coach Boyet Fernandez na sila pa rin ang malakas na koponan sa NCAA season 95.

Comments are closed.