MAKARAANG sumalang lamang sa dalawang laro sa PBA Governors’ Cup eliminations ay nagkaroon ng mahigpit na katunggali si June Mar Fajardo sa kanyang kampanya para sa record fifth MVP award, sa katauhan ni NorthPort guard Stanley Pringle.
Si Pringle, ang 2015 Rookie of the Year awardee, ay sumirit sa liderato sa stats race na may cumulative average na 35.5 points habang bumaba si Fajardo sa ikalawang puwesto na may 33.2.
Ang reigning four-time MVP winner ay stats leader sa buong season hanggang sa kinailangan niyang magpahinga upang magpagaling sa stress fracture.
Sa dalawang games na kanyang nilaro sa elims sa season-ending tourney, si Fajardo ay nakakolekta ng SP (statistical points) average na 11.00 lamang, dahilan para bumaba siya sa cumulative statistical points standings.
Nasa ikatlong puwesto si Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra na may 32.9, kasunod sina Sean Anthony ng NorthPort na may 31.3 at Scottie Thompson ng Barangay Ginebra na may 30.8.
Sa pagpasok ni Thompson sa Top Five ay naging contender siya para sa Most Improved Player plum.
Ang susunod na lima ay kinabibilangan nina Phoenix Petroleum’s Matthew Wright (30.6), Alex Cabagnot (30.2), Arwind Santos (30.0) at Marcio Lassiter (29.9) ng San Miguel Beer at Alaska Milk new main man Vic Manuel (29.0).
Nasa labas naman ng Top 10 sina Blackwater’s JP Erram (28.4), TNT KaTropa’s Jayson Castro (28.2) at Magnolia’s Paul Lee (27.5).
Bagama’t sumadsad sa No. 2 sa stats race, si Fajardo ay maaaring manguna sa balloting dahil sa kanyang Best Player of the Conference awards sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Samantala, bumabandera naman si Phoenix forward Jason Perkins sa Rookie of the Year derby.
Nasa ikalawang puwesto si Jeron Teng (18.3).
Comments are closed.