INALMAHAN ng mga samahan ng private schools ang No Permit, No Exam Prohibition Bill at sinabi na makasasama lang ito sa kalagayan ng private schools sa bansa.
Binigyang-diin ng grupo na tila “pampapogi” lang ang panukala dahil kahit mukhang pro-student ito, ang totoo ay hinihikayat lang nito ang ilang masamang ugali ng Pilipino.
Sa pahayag ng Davao Association of Catholic Schools (DACS), sinabi nito na hindi naman libre ang tuition sa panukala dahil utang pa rin ito na ipinagpaliban lang ng mga estudyante at magulang.
Samantala, anang DACS, ang mga private schools naman ay mababangkarote dahil sa mga bayarin at gastusin, gaya ng pasweldo sa mga guro at staff, upa, koryente, at iba pang utilities at obligations.
Nagbigay rin ng kani-kanilang babala ang Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), Philippine Association of Private Schools, Colleges, and Universities (PAPSCU), Association of Christian Schools, Colleges, and Universities (ACSCU), at Unified TVET of the Philippines, Inc (UniTVET).
Ibinunyag ng mga samahan ang isang pag-aaral na isinagawa ng PACU kung saan lumilitaw na mauubusan ng pondo ang mga pribadong paaralan sa loob lang ng dalawang buwan sakaling maging isang ganap na batas ang panukala.
Dahil dito, maraming private schools ang tuluyang magsasara at libo-libong guro at staff ang mawawalan ng trabaho at pati ang maraming mag-aaral ay wala nang mapapasukan.
Paliwanag naman ng ACSCU, mayroon namang installment plans at deferred payment schemes sa tuition na pinapairal sa private schools subalit mapipilitan silang tanggalin ang ganitong payment schemes kung ipatutupad ang No Permit, No Exam Prohibition Act. Dahil dito, maaaring maglipatan na lang sa public schools ang mga estudyante.
Babala ng mga samahan, lalong magkakaubusan ng classrooms sa mga public schools at maaaring bumaba lalo ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Nakikiusap sila na ipagpaliban muna ang panukala hanggang mailabas ang comprehensive review ng Second Congressional Commission on Education ukol sa Philippine educational system.
Hiniling din ng mga samahan na makonsulta sila at pati na ang ibang stakeholders upang marinig ang kanilang saloobin bago maghain ang mga mambabatas ng anumang panukala na maaaring ikabagsak ng buong sistemang pang-edukasyon ng bansa.