BAWAT sulok ng Pilipinas ay may hiyawan na mula sa sports aficinonados.
Bunsod ng mas pinaluwag na alert status at patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, pinayagan ng Games and Amusements Board (GAB) ang pagbubukas at pagsisimula ng mga programa sa propesyonal sports sa buwan ng Marso.
“Kami ay natutuwa na ang mga professional sports ay nagsisimula nang mag-normalize muli sa bansa. Though, of course, priority natin ang kaligtasan ng ating mga atleta, team, at game officials laban sa virus, malaking bagay ang muling pagbabalik aksiyon,” wika ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Ang pinakahihintay na Philippine Football League 2022 season ay nagsimula sa pagtatanghal ng “Copa Paulino Alcantara 2022” nitong Marso 14 sa Cavite, habang ang Premier Volleyball League, bagama’t nasa ‘bubble set-up’ ay nagbukas na nitong Marso 16 sa Paco Arena.
Punom-puno rin ang basketball community sa mga aktibidad dahil nasimulan na ang Philippine Basketball Association (PBA) Governors’ Cup na kasalukuyang nasa semifinals round, habang ang Filbasket ay nagsimula ng tournament nitong Marso 18 sa San Jose del Monte, Bulacan, at ang 2nd season ng VisMin Super Cup ay sa Marso 19 sa Vitaliano Agan Coliseum sa Zamboanga City.
“Kami ay nasasabik gaya ng iba dahil matagal na ring panahon hindi nagkaroon ng ganitong mga kaganapan sa pro sports at nangyari nang halos sabay-sabay sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” sabi ni Mitra.
“After more than two years, makakabalik na sa trabaho ang ating mga fighters at individual na umaasa sa mga promotions at liga. Also, malaking bagay sa sponsorship na pinapayagan na rin ang live audience,” ayon sa dating Palawan Governor at Congressman.
Dapat ding asahan ng mga tagahanga ng sports ang higit pang mga aksiyon ngayong buwan, lalo na sa Visayas at Mindanao, kung saan nagaganap na rin ang mga boxing promotions at tournaments.
Matagumpay na naisakatuparan ni Cebu-based boxing promoter Eva Arquisola ang laban tampok ang duelo nina April Jay Abne at Garin Diagan nitong Marso 19 sa Cebu City; habang ang laban nina Mark Vicelles at Richard Claveras ay isasagawa ng Pio Castillo promotions sa Cebu province sa Marso 26; ang bakbakan sa pagitan nina Roslan Eco at Jason Mopon ay sa Marso 20 sa Misamis Oriental; at itataguyod ni boxing promoter Gerry Balmes ang laban nina Ar-Ar Andales at Joey Canoy sa Abril 9 sa Laguna.
Samantala, isinagawa rin ng unang professional MMA promotion na nakabase sa bansa ang “URCC ’78 Unbreakable” nitong Linggo sa Olongapo City, tampok ang duelo sa pagitan nina Sugar Ray Estroso at Gester Maglaque. EDWIN ROLLON