PROBLEMA NG LGUs SA DIGITAL TRANSFORMATION NAKAAAPEKTO SA KANILANG PAGLILINGKOD-BAYAN

TATAK PINOY

HANGGANG ngayon, wala pang nakatitiyak kung kailan makababalik sa normal ang galaw ng iba’t  ibang sangay ng ating komunidad sa buong bansa. Walang kasiguruhan kung hanggang kailan tayo magdurusa sa epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19.

At ang malaking problema, nagdurusa sa limited access sa computer usage ang mga local government. Dahil diyan, lubhang naaapektuhan ang kanilang pagsisilbi sa publiko.

Ang pakiusap natin sa local executives, gawin nilang prayoridad ang digital transformation sa kani-kanilang nasasakupan upang masagot ang problema nila sa computer access.

Para mapalakas ang pagsisikap ng gobyerno na maipatupad ang e-government services, dapat pangunahan ng LGUs ang implementasyon ng digital transformation sa public sector. Sa panahong ito, dapat walang naiiwan sa ere.

Ilang Filipino ba ngayon ang nagagawa nang mag-shopping o mamili ng groceries sa pamamagitan ng mobile phones o cellphones? O maging sa kanilang desktop at laptop? Pati pagba-bangko ngayon, idinadaan na sa online karamihan. Ganyan na ang kalakaran. Kaya dapat, tayo sa lokal at pambansang gobyerno, sumunod na rin sa ganitong sistema.

Ang nakalulungkot lang kasi, 30 porsiyento lang ng LGUs natin ang nagawang sumunod sa digital transformation. Marami sa kanila, limitado ang paggamit ng computer kaya pati serbisyo sa publiko, apektado.

Katunayan, noong mga unang araw ng lockdown at quarantine, gayong pinagbabawalan tayo ng pamahalaan na lumabas ng bahay, nakita natin ‘yung mahahabang pila ng mga kabababayan natin na kumukuha ng kani-kanilang ayuda. Kailangan pa nilang i-expose ang sarili nila at suungin ang panganib ng COVID. Kumbaga, dalawang partido ang nanganganib sa ganitong sistema – ang isang claimant at ang government employee na nakikipagtalastasan dito. Kung pagsisikapan lamang ng iba pang LGUs na maipatupad ang digital transformation sa kanilang hurisdiksiyon, mas maiiwasan ang panganib ng impeksiyon. Marami pa rin kasi sa kanila ang mas pinipili ang face-to-face transactions dahil nga sa hirap na nararanasan nila online.

At para matulungan ang local governments na nahihirapang mag-adjust, tayo po sa Senado ay may isinusulong na panukalang batas – ang Senate Bill 1943 o ang Local Information and Communications Technology Officer (ICTO) Act. Layunin po nito na makalikha ng mga bagong ICTO positions sa mga lalawigan, lungsod at munisipalidad sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas.

Sa ilalim po ng panukala nating ito, ang ICTO ang mamamahala sa formulation at execution ng digitization plans sa pagproseso  ng public documents sa mga LGU; sila rin ang magde-develop, magmamantina at mangangasiwa sa lahat ng information and communications technology programs and services ng LGU; sila rin ang mangangalap at magpapalaganap ng mga impormasyon patungkol sa information and communications technology (ICT) at  sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaang lokal sa mga nasasakupan nito.

Ang ICTOs ay kinakailangang Pinoy na may maayos na personalidad at imahe; nakapagtapos ng mga kurso sa information and communications technology, computer science, computer engineering, data science, electronics and communication engineering at iba pang kurso na may kaugnayan dito mula sa mga kinikilalang unibersidad o kolehiyo

Bukod po sa ating SB 1943, isinusulong din natin ngayon ang Senate Bill 1470 o ang National Digital Transformation Act at ang Senate Bill 1764 o ang Use of Digital Payments Act.

Comments are closed.