HINDI dapat maging sagabal ang mabagal na internet connection sa mga mag-aaral sa ilalim ng blended learning na bagong paraan ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Education Undersecretary Diosdado San Antonio, ito’y dahil hindi lang naman online ang pamamaraan ng pag-aaral sa ngayon.
“Hindi naman siya dapat maging sagabal o hadlang sa pagbibigay ng edukasyon sa mga bata,” ani San Antonio sa panayam ng Balitang Todong Lakas ng DWIZ882.
Paliwanag ni San Antonio, sa blended learning, may iba’t-ibang paraan para makapag-aral ang isang estudyante, ‘yan ay sa pamamagitan ng online, learning modules, o kaya’y sa radyo o telebisyon sa pakikipag-ugnayan ng kagarawan at ilang television (TV) stations.
Samantala, ikinatuwa ng pamunuan ng DepEd ang naging matagumpay na pagbubukas ng klase sa lahat ng pampub-likong paaralan sa bansa sa ilalim ng distance learning.
Ayon kay San Antonio, masaya sila sa naging pagbubukas ng mga klase dahil sa ‘excitement’ ng mga guro at mga magulang ng mga mag-aaral.
Pagdidiin pa nito, pati rin ang mga mag-aaral mismo ay ‘excited’ lalo’t may ilan nang nakatanggap ng modules na gustong-gusto na ito buksan.
‘Nakakabigay po ng dagdag na energy ‘yung nakikita mo ang mga kasama mong guro excited; ang mga makakausap mong mga magulang , excited,” ani San Antonio.
Paliwanag nito, may ilang magulang din na nakatutok sa pag-aaral ng kani-kanilang mga anak ang natutuwa dahil pati sila ay natututo sa mga leksiyon na nakapaloob sa mga learning module.
Comments are closed.