NABABAHALA si Senador Win Gatchalian sa mga posisyong hindi napupunan at mababang suweldo sa mga tax-collecting agency sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, may kabuuang 11,745 na posisyong hindi napunan noong 2022 sa Department of Finance (DOF), sa bilang na ito ay may 7,724 na posisyon ang hindi napunan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) habang may 2,761 naman sa Bureau of Customs (BOC).
“Malaking bilang ito lalo na’t ang BOC at BIR ay mga ahensiyang nangongolekta ng buwis. Kung mas maraming tao, mas magiging maayos ang pangongolekta ng buwis,” pahayag ni Gatchalian sa budget hearing ng DOF at mga ahensiyang nasa ilalim nito.
“Ayaw natin ng sitwasyon na ang mga ahensiyang nangongolekta ng buwis, na kabilang sa mga pinakamahahalagang ahensiya ng gobyerno, ay naiiwan. Isa pang hindi magandang kahihinatnan nito ay ang tukso ng katiwalian kung ang mga professionals sa hanay ng mga abogado o mga accountant ay tumatanggap ng mababang suweldo. Panahon na para matugunan ang problema,” diin ng senador.
Dahil dito, hinimok ni Gatchalian ang dalawang ahensiya na magsumite ng kanilang mga mungkahi kung aling mga posisyon ang dapat i-reclassify upang mabigyan ng mas kaakit-akit na pasuweldo.
Inamin nina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. at BOC Deputy Commissioner Michael Fermin na nahihirapan ang dalawang ahensiya sa pagkuha ng mga tauhan tulad ng mga abogado at accountant dahil mas mataas ang alok na suweldo sa ibang mga ahensiya.
“Ang aming pangunahing problema sa pag-recruit ng mga tauhan ay dahil sa mas mababang suweldo na inaalok ng BIR kumpara sa ibang mga ahensya ng gobyerno,” ani Lumagui na sinabi na ang entry-level na suweldo para sa isang accountant ay P27,000 at ang entry-level na suweldo para sa isang abogado ay P46,725 kumpara sa P51,000 entry level sa Civil Service Commission.
Upang mapunan ang mga bakanteng posisyon, ang BIR ay nagpatibay ng mas madaling proseso kung anong regional office ang maaari nang kumuha ng sarili nilang mga empleyado at ang pag-apruba ng commissioner ay hindi na kailangan.
Pero binigyang-diin pa rin ni Gatchalian na ang dalawang ahensiya ay hindi magkakaroon ng pagkakataon na kumuha ng pinakamahuhusay na empleyado kung ang kanilang pasuweldo ay hindi man lang pantay o competitive kung ikukumpara sa ibang ahensya ng gobyerno.
“Ang pangunahing konsiderasyon ay ang pasuweldo. Gaano man natin pagbutihin ang proseso, kung mababa ang pangunahing atraksyon o suweldo, magiging napakahirap para sa mga ahensya ng gobyerno na makaakit ng tao. Ang pinag-uusapan natin dito ay mga enforcement group at kailangan nating magkaroon ng tinatawag na industry-level packages para maiwasan ang tukso ng korupsiyon, makaakit ng pinakamahusay na mga talento, at mapabuti ang kredibilidad at integridad sa loob ng ahensya,” giit pa niya.
VICKY CERVALES