PROBLEMA SA TRAPIKO ‘DI DAPAT ISISI SA MMDA

Joes_take

DISMAYADO ang maraming moto­rista at biyahero noong nakaraang linggo dahil sa isang malalang ‘carmageddon’ na nangyari pa-Norte sa EDSA. Inabot ng humigit-kumulang apat na oras ang biyahe mula Quezon City papuntang lungsod ng Makati dahil sa masikip na trapiko.

Nakadagdag pa ang matinding pag-ulan na dala ng low pressure area at ang pagkalito ng mga biyahero ukol sa TRO na inilabas ng Korte Suprema patungkol sa implementasyon ng pagbabawal sa mga provincial bus sa EDSA.

Malinaw na nawawalan na ng pag-asa ang mga motorista sa Metro Manila at marahil ay na­ngangamba ang mga ito sa posibilidad na hindi na tuluyang masolusyonan ang problemang ito. Bilang isang taong may positibong pananaw sa buhay, pinipili kong maniwala na pasasaan ba’t makahahanap din ng solusyon sa isyung ito.

Nasasabi ko ito dahil nitong mga nakaraan ang sisi ng mga mamamayan ay nakatuon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kakulangan ng kongkreto at pangmatagalang solusyon sa sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila. Sa totoo lang, hindi kaya ng MMDA na solusyonan ang napakalalang problema natin sa trapiko. Hindi nila ito kayang mag-isa. Hindi dapat sa kanila ibunton ang sisi. Ipinatutupad lamang nila ang mga batas at regulasyon na pinasi­mulan ng mga nakaraang administrasyon.

Halimbawa, ang paglalagay ng terminal sa Bulacan, Valenzuela, at Sta. Rosa, Laguna para sa mga bus na bumabiyahe sa mga probinsiya ay hindi nila kagagawan. Ngunit ang mga kritiko ng MMDA ay ibinubunton ang lahat ng sisi sa ahensiya para sa isang bagay na hindi naman sila ang gumawa at nakaisip. Sila lamang ang naatasang magpatupad nito.

Ang kasalukuyang administrasyon ay dapat tingnan ang pangyayari mula sa mas malawak na perspektibo. Huwag na­ting ibunton ang lahat ng sisi sa MMDA at sa halip ay ituon ang ating atensiyon sa pinakapunong dahilan ng lahat ng ito: ang kakulangan sa maayos na imprastrakturang makagagaan sa trapiko gaya ng mga flyover, highway, at iba pa.

Sa aking palagay, panahon na upang ang Filipinas ay magsimulang mamuhunan sa mga imprastraktura gaya ng mga tulay, flyover, bagong daan na magdurugtong sa iba’t ibang lugar, at kung kakayanin, mas modernong sistema ng rail gaya ng sa ibang bansa.

Ang bagong luklok na alkalde ng Pasig na si Vico Sotto ay isa sa mga lokal na opisyal na inatasan ng Pangulo na gawaan ng solusyon ang masikip na trapiko sa kanyang lugar na pinamumunuan. Napagtanto ng bagitong alkalde na hindi biro ang responsibilidad na ibinigay sa kanya. Sa masusing pag-aaral kung paano paluluwagin ang malalang daloy ng trapiko sa Pasig, natukoy ni Sotto na ang dami ng sasakyan sa bansa ang pinakaugat ng malalang trapiko sa Pasig.

Ito ay isang isyu na malinaw na hindi ­maaaring isisi sa MMDA. Siguro kung ang mga ahensiya na may kinalaman sa transportasyon gaya ng DOTr/LTO at LTFRB ay magiging mas mahigpit sa pagbibigay ng karapatan sa mga tao na bumili ng mga sasak­yan, hindi siguro lalala ng ganito ang suliranin sa trapiko na kailangang harapin ng MMDA.

Kailangan ding pag-ibayuhin pa ng bansa ang rail system nito upang magkaroon ang mga mananakay ng iba pang alternatibong masasakyan. Kailangan ding ayusin ang freight cargo rail system upang mabawasan ang mga malalaking truck na bumibiyahe sa mga pangunahing daanan sa bansa na siyang nakadaragdag sa mabagal na daloy ng trapiko.

Hindi natin ­maaaring sisihin ang MMDA o maging ang mga may-ari ng mga truck dahil sa ngayon, tanging malala­king cargo truck lamang ang maaaring magamit sa pagbiyahe ng mga malalaki at mabibigat na materyales, kagamitan, at mga produkto. Kung mayroon tayong moderno at ­maayos na rail system bilang alternatibong paraan para sa pagbiyahe ng mga nabanggit, hindi sana sisikip ang daloy ng trapiko sa mga ­pangunahing daan sa Metro Manila.

Matindi at malaki na ang pangangailangan sa pagkakaroon ng maayos na rail system sa bansa upang maibsan ang malalang suliranin sa trapiko. Mainam na mayroon nang mga naumpisahan sa pagtatayo ng mega subway tulad ng Timog pa-Norte na siyang ikokonekta sa mga kasalukuyang train system na mayroon sa bansa. Kapag nagsimula na ang operasyon nito sa loob ng susunod na limang taon, maaaring hindi na natin kailanganin pa ang ating mga kotse sa pagbiyahe sa loob ng Metro Manila.

Ako’y lubos na naniniwala na ang solusyon sa pagpapaluwag ng trapiko sa EDSA at sa C5 ay ang pagbabawas ng mga sasakyang dumadaan dito. Ngunit ang solusyon na ito ay nangangailangan ng pagkakaisa sa pagitan ng ehekutibo, lehislatibo, hudikatura, at pribadong sektor upang maisakatupar-an ang ideyang ito.

Sa kabila ng patuloy na paglala ng suliranin sa trapiko, isa lamang ang sigurado. Tiyak na ginagawa ng MMDA ang lahat ng makakaya nito sa paglutas ng problemang ito. Hindi biro ang responsibilidad na ito ngunit buo ang aking tiwala na ang mga nasa panunungkulan pati na rin ang mga awtoridad na nakababad sa init ng araw at sa buhos ng ulan, ay patuloy na nagsusumikap at sumusubok ng iba’t ibang paraan upang maibsan ang problema natin sa trapiko.

Isang positibong bagay na maaari nating makuha mula sa isyung ito sa trapiko ay ang katotohanang lumalago at umuunlad na ang ating ekonomiya. Kabilang ang Filipinas sa isa sa mga may mabilis na paglago ng ekonomiya sa Asya. Upang magtuloy-tuloy ang pag-unlad na ito, nangako si Pangulong ­Duterte na pauunlarin niya ang imprastraktura sa bansa   sa pamamagitan ng kanyang proyektong ‘Build Build Build’.

Ang gobyerno ang nagpapatakbo at na­ngangasiwa sa lahat ng proyektong may kinalaman sa imprastrakturang pang-rail sa bansa. Ako ay naniniwala na hindi magtatagal ay mahahanap na rin ang solusyon sa mga problemang kinahaharap ng bansa ukol sa trapiko. Kapag dumating na ang araw na iyon, ang pagmamaneho sa Metro Manila ay magiging isang kaaya-ayang gawain gaya noong aking kabataan.