PRODUKSIYON NG BIGAS PALALAKASIN

NAKATUON ang pamahalaan sa pagpapalakas sa produksiyon ng bigas at sa pagbabawas sa post-harvest losses sa pamamagitan ng siyensiya at teknolohiya, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr.

Sa kanyang pagbisita sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa Science City of Munoz, Nueva Ecija kamakailan ay inihayag ni Laurel sa mga rice expert at scientist ang kahalagahan ng pagkakatugma ng pagsisikap mula sa lahat ng sektor upang makamit ang food sufficiency.

“We just have to focus our efforts and synchronize with each other in implementing our rice programs with all agencies, local government units, and stakeholders,” sabi ni Laure.

Aniya, kayang maabot ang pangarap na maging sufficient.

“We just have to work in harmony.”

Ayon kay Laurel, hindi niya tatanggapin ang Cabinet post at kukunin ang responsibilidad kung wala siyang nakikitang anumang pag-asa sa agriculture sector.

Kasunod ng direktiba ni Presidente Marcos na dagdagan ang produksiyon ng bigas, inanunsiyo ni Laurel na ilulunsad ng Department of Agriculture ang malawakang modernization program para palakasin ang  rice recovery.

Nangako rin si Laurel na sisilipin ang staffing ng PhilRice, at daragdagan ang kasalukuyang 297 personnel nito, gayundin ang mga scientist para tumulong sa pagpapabuti ng Philippine rice sector.

Ayon kay PhilRice executive director John de Leon, sa kasalukuyan, ang ahensiya ay may 1,500 contractual workers, marami sa kanila ay highly capable sa kani-kanilang larangan.