PROVINCIAL BUS BAN SA EDSA INIURONG SA AGOSTO

MMDA General Manager Jojo Garcia

INIURONG  kahapon ng Metropolitan Development Authority (MMDA) ang petsa para sa pagpapatupad sa pagbabawal ng provincial buses sa EDSA tuwing rush hours.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia,  nagkasundo ang ahensiya at mga operator  na simulan na lamang sa unang araw ng buwan ng Agosto ng taong kasalukuyan ang implementasyon para sa pagbabawal sa povincial buses na bumagtas ng EDSA tuwing rush hours.

Una nang inihayag  ng MMDA na dapat sa Hul­yo 15  ang  implementas­yon para sa pagbabawal ng  provincial  buses sa  EDSA.

Subalit iniurong ang petsa para sa implementasyon ng naturang patakaran matapos magkaroon ng pag-uusap at pagkakasundo sa pagitan ng MMDA at provincial bus operators.

Sinabi ni Garcia na  bawal lamang ang mga provincial bus sa EDSA tuwing rush hours mula alas-7:00 ng umaga hangang alas-10:00 ng umaga at alas-6:00 hanggang alas-9:00  ng  gabi.

Ang mga manggaga­ling na bus mula sa Norte ay hanggang EDSA-Cubao, Quezon City lamang maaaring  magsakay at magbaba ng kanilang pasahero.

Habang ang mga mang­gagaling Southern o Katimugang Luzon ay hanggang sa area lamang ng  EDSA-Pasay City.

Sabi ni Garcia ma­ngangahulugan na mas mapaluluwag na ang daloy ng trapiko sa EDSA mula  Ortigas area hanggang Magallanes dahil ang  city buses at pribadong behikulo lamang ang papayagang bumagtas dito.

Magkakaroon muna ng dry run ang MMDA   simula Hulyo 23 para sanayin ang mga driver ng provincial buses sa bagong patakaran.

Ayon pa sa MMDA,  sa pamamagitan nito ay mababawasan ng 2,000 units ang  8,000 mga  provincial buses na tumatakbo sa EDSA sa oras na masimulan na ang pagpapatupad sa bagong eskima.

Aasahang luluwag na ang daloy ng trapiko sa EDSA tuwing rush hours. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.