NANAWAGAN si House Ways and Means chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda na tanggalin na ang ‘provincial bus ban,’ hayaang makakilos ang mga mamamayan sa ilalim ng akmang mga pangkalusugang ‘protocol’ at pamantayan, upang higit na mabilis na makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa pagkakadapa nito dahil sa COVID-19 pandemic.
Kasabay nito, nagbabala rin si Salceda laban sa mga “mapagsamantalang gawain” ng ilang kasapi sa sektor ng transportasiyon, lalo na sa sobrang taas ng singil sa pamasahe. Napakasamang panahon ito upang manlamang tayo sa kapwa natin,” diin niya.
“Basta panatilihin natin ang akmang mga pangkalusugang pamantayan at hayaan nating makakilos ang mga mamamayan. Dapat konsiderahin din ng makabuluhang ‘transport system’ ang kailangan ng mga mananakay. Heto ngayon ang katutuhaban: Una, kumikilos na ang mga LGU upang makauwi na sa mga lalawigan ang mga mamamayan nilang nakulong ng ‘lockdowns; sa Kamaynilaan. Ikalawa, hinahayaang makabiyahe na ang ilang kompanya ng bus. Pangatlo, pinapayagan nang pumasok sa trabaho ang mga tao sa maraming lugar,” paliwanag niya.
Ayon kay Salceda, ang pagpapanatili sa ‘provincial bus ban’ ngayon ay wala ng gaanong halaga sa pagkontra sa hawaan ng COVID at lalo lamang itong nagdadagdag pahirap sa mga taong kailangang makapagtrabaho. “Hangga’t hindi tayo nakakakilos dahil walang masakyan, hindi makakabangaon ang ekonomiya. Ang mga mamamayan ang makina ng ekonomiya. Kung hindi sila makagagalaw, hindi rin kikilos, susulong at babangon ang ating ekonomiya,” paliwanag ng mambabatas na isang kilalang ekonomista.
Para magkaroon ng bisa ang ‘House Stimulas Plans” na siya rin ang pangunahing nagbalangkas sa Kamara, kailangan makakilos at makagawa ng mahahalagang gawain ang mga mamamayan. “Kung nakulong sila sa Kamaynilaan at mananatiling malayo kung saan sila makagagawa ng mahalagang pagkilos, mawawalan ng bisa ang naturang balangkas,” dagdag niya, kasabay ang babala sa mga nangangasiwa ng mga bus na huwag pagsamantalahan ang mga mananakay kapag pinayagan na silang bumiyahe.
Comments are closed.