PROV’L BUS BAWAL PA RIN, PAHINTULOT NG LGUS KAILANGAN –DOTr

PROVINCIAL BUS

SA KABILA ng unti-unting pagbabalik ng pampublikong transportasyon ay bawal pa ring bumiyahe ang mga provincial bus, paglilinaw ng Department of Transportation (DOTr).

Sa Laging Handa briefing ay sinabi ni DOTr Road Sector Senior Consultant Engr. Bert Suansing na ang hamon para sa mga provincial bus ay ang kunin ang pagsang-ayon ng mga lokal na pamahalaan na ang mga lugar ay kanilang dadaanan.

“Hangga’t ‘di nangyayari ‘yun, that’s also in coordination with DILG, the bus operations for provincial bus operations will continue to be suspended,” sabi ni Suansing.

Samantala, sa hiwalay na briefing ay sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na tatalakayin ng Inter-Agency Task Force kung papayagan o hindi ang mga provincial bus na bumalik sa biyahe sa June 22,  ang petsa kung kailan dapat magsimula ang two-phase program ng DOTr para sa pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa ilalim ng naunang plano.

“Kung maalala ninyo po, iprinisinta rin namin dito ‘yung second phase ng plano ng DOTr at kasama po riyan ang operasyon ng provincial buses, pero ang assumption po nu’n eh magiging MGCQ na po ang Metro Manila,” paliwanag niya.

Ang Metro Manila ay nananatili sa ilalim ng general community quarantine hanggang Hunyo 30.

Comments are closed.