ITONG mga militanteng grupo ay tila talagang ayaw umangat ang Filipinas. Kamakailan, naglabas sila ng pahayag sa pagtutol ng reclamation project sa Manila Bay dahil marami raw mga maralita at mga mangingisda na mawawalan ng tirahan at hanapbuhay.
Napakasimple lang ng kasagutan diyan. Para sa lahat ng nagmamahal sa ating Inang Bayan, ang dapat lamang nating isipin sa mga suliranin ng ating bansa ay ito…‘ilagay lang natin lahat sa lugar’. Kung ganito lang ang nasa isipan nating lahat, tiyak na ang pamumuhay natin at estado ng ating ekonomiya ay tulad sa Singapore.
Ilagay lang natin kung ano ang nararapat. Una, ang mga mahihirap ay dapat bigyan ng pagkakataon na umangat ang kalidad ng kanilang buhay. Subalit ang mga makakaliwa at mga militanteng grupo ay nag-uudyok sa kanila na hindi kailangang magbago at manatili sa kanilang tinitirahan at uri ng kanilang hanapbuhay. Pangalawa, ang maling sistema ng pangingisda ng ating mga kapatid sa dalampasigan ng Manila Bay ay dapat ayusin. Unti-unting mauubos ang isda sa Manila Bay dulot ng polusyon. Kung ano ang kita nila doon, patuloy na liliit pa ‘yan dahil nawawala ang ang mga isda. Bigyan sila ng mas modernong teknolohiya ng pangingisda upang mas makapunta sila sa laot kung saan mas marami silang mahuhuling isda.
Sinagot na ng Palasyo ang isyu tungkol sa proyektong paglilinis, rehabilitasyon at reclamation sa Manila Bay. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magbibigay ng karagdagang kita ang bansa at magiging benepisyo ito sa ating lahat. “When you clean up Manila Bay, certainly all of us will benefit. With respect to reclamation, even government will benefit from that because we get, if I understand correctly, it’s 65-35. We get 65 [per-cent] there, that’s huge,” sabi ni Panelo.
Sa madaling salita, malaki ang kikitain ng ating gobyerno sa pamamamagitan ng buwis kapag natuloy ang nasabing proyekto. Bukod dito, ang lawak ng lugar ng reclamation ay parang 10 beses ang laki sa Bonifacio Global City o BGC sa Taguig City. Pagkakataon natin na ayusing mabuti ang latag ng nasabing lugar.
Sa pagplano nito, tiyak na gagawa sila ng sistema upang magsilbing proteksiyon sa pagtapon ng basura at dumi sa Manila Bay.
Mawawala na ang kasalukuyang mga lumang gusali at negosyo na nagtatapon ng dumi sa Manila Bay. Sabi ko nga sa isinulat ko dati dito sa aking kolum, saan na nila itatapon ang kanilang dumi at basura? Wala na sa tabi ng kanilang negosyo ang Manila Bay dahil nagkaroon na ng reclamation.
Tulad sa bansang Singapore, ang mga malinis, masinop at maayos na lugar kung saan nandoon ang mga modernong gusali, makabago at malawak na kalsada, modernong transportasyon, paliparan, daungan ng mga barko, tourist attractions at iba pa ay nasa lugar na nagkaroon ng reclamation project. Gumawa sila ng master plan kung papaano nila mapabubuti ang kanilang bansa. At ano ang resulta? Umasenso ang Singapore at ang mga dating mahihirap ay nagkaroon ng oportunidad upang magkaroon ng mas magandang hanapbuhay.
Huwag na tayong magpapaniwala sa mga militanteng grupo na ito. Panahon na upang magkaisa tayo para umangat ang ating bayan. Kaunting pusok ng dibdib sa mga mabubuting proyekto na makatutulong sa pag-asenso ng ating ekonomiya. Tama na ang pamomolitika. Kaya napag-iiwanan tayo sa kangkungan ay dahil sa ganitong klaseng pag-iisip.
Kitang-kita naman kung gaano kaseryoso ang administrasyon ni Duterte upang ayusin ang ating kalikasan. Nalinis ang Boracay matapos ang ilang dekadang kapabayaan. Maraming umangal sa una. Subalit kita naman natin ang resulta ng kaunting pagsasakripisyo.
Ganito rin ang isyu sa paglilinis ng Manila Bay. Maraming kumokontra. Mahirap daw ito gawin. Subalit nakita natin ang determinasyon ng ating pamahalaan sa tulong ng ilan sa pribadong sektor at volunteers. Nilinis nila ang dalampasigan ng Manila Bay malapit sa US Embassy at sa may Manila Yacht Club. Nakabibigla. Para kang bumalik sa panahon kung saan nasa dalampasigan ka ng Manila Bay noong panahon ng 1930s.
Kaya malinaw pa sa sikat ng araw na ang rehabilitasyon at reclamation project sa Manila Bay ay pabor sa nakararami.