BILANG tugon sa COVID-19 crisis, tinipon ng 20 nangungunang grupo ng mga negosyante ang mahigit P1.5 bilyong pondo upang mamahagi ng grocery vouchers sa mga maralitang lungsod sa Metro Manila.
Layon ng “Proyektong Damayan” na mabigyan ng P1,000 gift certificates ang mahigit 1 milyong sambahayan sa mga maralitaing komunidad sa Kalakhang Maynila, ayon sa isang online na pahayag.
“Ang Proyektong Ugnayan ay ang sama-samang pagkakaisa ng mga grupong negosyante upang tulungan ang mga apektadong maralitang pamilya sa ilalim ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.”
“Ang mga gift certificate ay ihahatid sa pinto ng bawat sambahayan at maipagpapalit para sa pagkain sa mga nalalapit na grocery o supermarket.”
“Sa panimula ay makikipagtulungan kami sa ‘Proyektong Damayan’ ng Caritas Manila at programang ‘Pantawid ng Pag-ibig’ ng ABS CBN para sa kada pintong pamamahagi ng mga grocery vouchers na maaaring ipagpalit ng pagkain sa mga nakalaang pamilihan. Ang pamamahagi ay isinasagawa na ngayon sa apat na mga pangunahing lugar at padadamihin pa ang saklaw na mga lugar sa tulong ng mga kaagapay na grupo.”
Nakikiisa at sumusuporta sa proyekto ang mga sumusunod na grupo ng negosyo: Aboitiz Group, ABS-CBN/Lopez Group, Alliance Global/Megaworld, AY Foundation and RCBC, Ayala Corporation, Caritas Manila, Century Pacific, Concepcion Industrial Corp, DMCI, Gokongwei Group of Companies/Robinsons Retail Holdings, ICTSI, Jollibee, Leonio Group, Mercury Drug, Metrobank/GT Capital, Nutri-Asia, Oishi/Liwayway Marketing Group PDRF, PLDT/Metro Pacific Investments Corporation, Puregold, San Miguel Corporation, at SM/BDO, Sunlife of Canada, Suyen Corp.
Sinabi rin ng grupo na patuloy ang pakikipag-usap sa iba pang mga kompanya na nagpahiwatig ng kanilang intensiyong madagdagan pa ang pondo upang mapalawak ang matutulungan ng proyekto.
Ayon naman kay Fr. Anton C. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, “Kami ay nagpapasalamat sa mga negosyanteng sumusuporta sa Project Ugnayan at umaasa na ang inisyatibang ito ay magdudulot ng higit pang maraming kabutihan at tulong sa panahong ito ng krisis. Ito ay panahon para magkaisa at magtulungan ang lahat.”
“Itinuturo ng kasalukuyang pambansang krisis pangkalusugan na ipatupad ang isang pangkalahatang perspektiba upang ang bawat sektor ng lipunan ay makapag-ambag tungo sa pag-agapay sa mahihirap nating kababayan.”
Comments are closed.