PRRD GINAGAWANG SINUNGALING NI VELASCO?

MASAlamin

MUKHANG  binabangga na nang harap-harapan ni Cong. Allan Velasco si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa usapin ng speakership race.

Aba’y hindi pa nga nananalong speaker kung talaga ngang mananalo, e parang gusto na niyang palabasin na sinunga­ling ang Pangulo. Paano ba naman, inihayag sa media ni Velasco na wala umanong sinabi o utos si Digong tungkol sa term-sharing nila ni Cong. Alan Cayetano. Ang sinabi lang daw ng Pangulo ay bahala na ang mga kongresista kung sino ang pipiliin nila bilang speaker.

Nabutata tuloy si Velasco dahil mismong si Digong na ang nagkumpirma noong Huwebes ng gabi sa panayam ng Malacañang reporters na may term-sharing na binansagang 15-21. Mauuna sana si Cayetano  bilang speaker sa loob ng labinlimang buwan at susundan ni Valasco sa loob ng dala-wampu’t isang buwan.

Sinabi pa ni Duterte na pumayag na si Ca­yetano,  ngunit bigla na lamang nagbago ang isip ni Velasco at umatras sa term-sharing. Ang term-sharing sa pagitan ng dalawang kongresista ay noon pa iminungkahi ni Duterte upang mabuwag ang ‘impasse’  sa speakership issue. Ito nga ‘yung nakaraang trip ng Pangulo sa Japan.

Ibig sabihin, pina­lalabas ni Velasco na sinungaling ang Pangulo, e talaga namang may sinabi ang Pangulo at kinumpirma naman din ng Pangulo kamakailan. Ano bang kababalaghan ang ginagawa ni Velasco na pati ang Pangulo  ay inilalagay niya sa alanganin para lamang matupad ang kanyang ambisyong maging lider ng Kamara?

Paano kung sakali ngang maging speaker na siya? Ibig bang sabihin babanggain ni Velasco ang legislative agenda ng administrasyong ito? Ngayon pa nga lang ang lakas-lakas na ng loob niyang ipahiya ang Pa­ngulo, paano pa kung siya na ang maging lider ng Kamara.

Marami tuloy ang nagtatanong kung sino ang ipinagmamalaki  ni Velasco na maging ang Pangulo ay mistulan na nitong binabastos.

Hindi yata lubos maisip ni Velasco na pangarap pa lang ang pangarap niyang ma­ging speaker. Hindi niya dapat ipagmayabang na inendorso siya ng mga kongresistang pumirma sa manifesto of support sa kanya dahil ito mismo ay pinalagan ng mismong mga partido politikal tulad ng NPC, PDP-Laban at grupo ng mga partylist.

Ang tanong, sino ngayon ang sinungaling at nagsasabi ng totoo. Ang Pangulo ba o si Velasco?