TULAD ng inaasahan, nakopo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang top 1 rating sa pinakabagong survey na ginawa ng Publicus Asia.
Naitala ni Digong ang 64.8% approval rating at 55.1% trust rating sa March 20-29, 2021 online survey na nilahukan ng 1,500 respondents mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, nasa huling puwesto naman sa parehong approval at trust rating survey sa limang matataas na opisyal ng gobyerno si House Speaker Allan Lord Velasco. Naungusan pa ang lider ng Kamara ng trust at approval rating ng Supreme Court Justice na karaniwang nahuhuli sa mga survey. Batay sa official Facebook page ng Publicus Asia, si Velasco ay nakakuha ng 25.4% approval rating at 14.5% trust rating.
Pumangalawa kay Duterte si Senate President Tito Sotto na nakakuha ng 40.9% approval rating, pangatlo si VP Leni Robredo na may 29.1%, at sinundan ni Supreme Court Justice Diosdado Peralta na nakakuha ng 28.4% approval rating, samantalang nasa huling puwesto ng naturang survey si Velasco.
Pumangalawa rin kay Duterte si SP Sotto sa trust rating survey na nakakuha ng 24.6%, sinundan ulit nina Robredo na may 18.6%, Retired Chief Justice Peralta na nakakuha ng 15%, samantalang nasa huling pwesto ulit ng naturang trust rating survey si Speaker Velasco.
Ang naturang survey ay ginawa ng Publicus Asia sa gitna ng pandemyang kinakaharap ng bansa. Siyam na modules ang ginawa ng naturang lobbying at campaigns management firm sa pagsasagawa ng naturang survey, kabilang na rito ang estado ng ekonomiya ng bansa, COVID-19 vaccine prioritization, national issue kasama na ang tungkol sa trabaho at COVID-19 at scorecard ng mga senador, mga pambansang opisyal at institusyon ng gobyerno.
Lumabas sa naturang survey na pare-parehong nabawasan ang total approval rating nina Duterte Sotto, Robredo at Velasco.
Lumitaw rin sa survey ng Publicus Asia na nabawasan din ang total high trust rating nina Duterte, Robredo, Sotto at Velasco samantalang tumaas ang kani-kanilang low trust rating. Tanging si Retired Chief Justice Peralta ang nakapagtala ng pagtaas kapwa sa approval at trust rating at pagbaba sa low total trust rating score sa parehong approval at trust rating survey.
Matatandaang sa Dec.3 -9, 2020 survey na isinagawa ng Publicus Asia, 69.8% ang nakuha ni Duterte sa approval rating, 49.9 % ang kay Sotto, 34.6 % ang nakuha ni Robredo, 30.7% ang kay Peralta at 29.7% naman ang nakuha ni Velasco. Sa trust rating survey naman sa kaprehong panahon, si Duterte ay may 62.3% rating, si Sotto ay may 30%, Robredo 23%, Peralta 18.5% samantalang 18.1% naman ang nakuha ni Velasco.
682306 145808Would love to perpetually get updated great weblog ! . 204127